Diskurso PH
Translate the website into your language:

Makabayan bloc: P1,200 sahod sa buong bansa, tanggalin ang regional wage boards

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-30 17:56:50 Makabayan bloc: P1,200 sahod sa buong bansa, tanggalin ang regional wage boards

HULYO 30, 2025 — Muling isinusulong ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukalang itaas sa P1,200 ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor, kasabay ng pagbuwag sa regional wage boards. Sa House Bill 2599, nais ng mga kongresista na palitan ang kasalukuyang sistema ng isang pambansang wage board na magtatakda ng iisang sahod sa buong bansa.


Ayon kina Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers) at Rep. Renee Co (Kabataan), hindi na makatarungan ang regional wage system na itinakda noong 1989. 


Giit ng panukala, hindi rasyonal ang sistema, hindi makatarungan, at hindi tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa. 


Batay sa datos ng IBON Foundation, ang P1,200 ang tinatayang "living wage" para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro.


Kabilang sa parusa sa ilalim ng panukala ang multang P25,000 hanggang P100,000 sa mga employer na lalabag, kasama ang bayad sa mga hindi naibigay na sahod at moral damages na P50,000 bawat empleyado. Maaari ring makulong ng 3–5 taon ang mga violator, at masuspinde ang kanilang business permit.


Puna ng mga mambabatas, malaki ang agwat ng sahod sa Metro Manila (P695) kumpara sa ibang rehiyon, kahit halos pareho na ang presyo ng bilihin. 


"To date, there is no longer any significant variation of rice prices between the regions and Metro Manila," ayon sa panukala.


(Sa ngayon, halos walang pinagkaiba ang presyo ng bigas sa mga probinsya at sa Kamaynilaan.)


Mula 1989, umakyat lang ng P381 ang average na sahod, samantalang pitong beses na ang taas ng presyo ng bigas at sampung beses sa galunggong.


Bukod sa HB 2599, may ilang panukala rin para sa P200 dagdag-sahod at pag-phase out ng wage boards. Ngunit sa kabila ng mga isinusulong, nananatiling mabagal ang aksyon sa usapin ng wage hike. 


(Larawan: Philippine News Agency)