SMC, pinasok ang Meralco — Ano ang susunod na galaw ni Pangilinan?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-31 11:36:25
HULYO 31, 2025 — Hinahanapan ng tycoon na si Manuel V. Pangilinan ng posibleng hakbang ang kanyang grupo matapos makabili ng bahagi sa Manila Electric Co. (Meralco) ang San Miguel Corp. (SMC) ni Ramon Ang.
“That was discussed earlier at the board meeting. No decision yet. We just look at the options,” ani Pangilinan, chairman at CEO ng Meralco.
(Tinalakay na ito sa board meeting, pero wala pang desisyon. Tinitingnan lang namin ang mga opsyon.)
Nakuha ng SMC unit na San Miguel Global Power (SMGP) ang 3.8% stake ng Land Bank of the Philippines sa Meralco sa halagang P3.9 bilyon — isang negosyong inabot ng 17 taon bago natuloy. Ang transaksyon, na P90 bawat share, ay naipasa sa Philippine Stock Exchange sa pamamagitan ng special block sale.
Hindi pa nakikipag-ugnayan ang Meralco kay Ang ukol sa plano nito sa mga shares, ayon kay Pangilinan. Aniya, magdedepende ang susunod na hakbang ng kumpanya kung itutuloy ng SMC ang pagiging shareholder o ibebenta ang mga ito.
Kung ipagbibili ni Ang ang shares, maaaring kumita ang SMC ng humigit-kumulang P20 bilyon batay sa kasalukuyang halaga ng Meralco. Ayon sa mga market watcher, maaaring gamitin ng SMGP ang kita para sa mga malalaking proyekto.
Pinakamalaki ang SMGP sa power generation sector ng bansa noong 2024, habang ang Meralco ang nangungunang power distributor na nagsisilbi sa mahigit walong milyong kustomer sa Metro Manila at karatig probinsya.
Samantala, naghain ang Meralco ng proposal para sa joint venture sa Batangas Electric Cooperative Inc. 2 (Batelec 2) upang palawakin ang serbisyo nito sa dalawang lungsod at 15 bayan sa silangang Batangas.
Ang Meralco ay naglalayong isailalim ang electric cooperative sa conversion upang maging isang stock corporation. Ayon sa kumpanya, magkakaroon ito ng equity infusion sa pamamagitan ng pagbili ng shares sa nabanggit na korporasyon, ayon kay Arnel Casanova, chief external at government affairs officer ng Meralco.
Inaantabayanan din ng Meralco ang paliwanag ng Batelec 2 matapos magpakita ng interes ang Primelectric Holdings Inc. ni Enrique Razon Jr. sa electric cooperative.
Ayon kay Casanova, kasalukuyang inaantabayanan ng Meralco ang mga detalye ng proseso at mga pamantayan para sa ebalwasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)
