Diskurso PH
Translate the website into your language:

Biktima ka ba ng deepfake? 20 taong kulong, posibleng haharapin ng mga gumagawa ng malaswang content

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-03 18:28:15 Biktima ka ba ng deepfake? 20 taong kulong, posibleng haharapin ng mga gumagawa ng malaswang content

AGOSTO 3, 2025 — Isang panukalang batas ang naglalayong parusahan ng hanggang 20 taong pagkakabilanggo ang mga gumagawa at nagkakalat ng malaswang litrato at video, kasama ang mga ginawa gamit ang artificial intelligence (AI), nang walang pahintulot ng nasa larawan. Inihain ni Bagong Henerasyon Rep. Robert Nazal ang House Bill No. 807 o Take It Down Act of 2025 para tugunan ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng digital sexual abuse.


Maglalaan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng P50 milyon para sa isang online portal kung saan maaaring magsumite ang mga biktima ng verified request para sa agarang pagtanggal ng illegal na content. 


Obligado ang mga social media platform na mag-comply sa loob ng 48 oras o pagmumultahin sila ng hanggang P1 milyon bawat paglabag.


“Current laws in the Philippines do not explicitly criminalize the creation and sharing of AI-generated non-consensual sexually explicit material,” paliwanag ni Nazal. 


(Sa kasalukuyan, walang tahasang pagbabawal sa batas ng Pilipinas sa paggawa at pagpapakalat ng malaswang materyales na ginawa gamit ang AI nang walang pahintulot ng nasa larawan.) 


Ayon sa PNP, umakyat ng 18% ang mga kaso ng voyeurism noong 2024, habang 240% ang itinaas ng deepfake sextortion complaints base sa NBI.


Ayon naman sa panukalang batas, maaaring parusahan ng hanggang 12 taong pagkakabilanggo ang sinumang gumawa o nagpakalat ng malaswang content nang walang pahintulot ng nasa larawan. Ang parusa ay tataas sa 20 taon kung ang biktima ay menor de edad. 


Bukod dito, bibigyan ng karapatan ang mga biktima na maghain ng demanda para sa pinsalang dinulot, habang ginagarantiya namang mananatiling kompidensiyal ang kanilang pagkakakilanlan sa lahat ng legal na proseso.


Binigyang-diin ni dating BH Rep. Bernadette Herrera na matagal nang kailangan ang ganitong batas. 


"No victim should be forced to beg platforms for mercy while their stolen images are passed around online,” pahayag niya. “This bill shifts the burden where it belongs — on the abusers and enablers,"


(Hindi dapat mapilitan ang sinumang biktima na magmakaawa sa mga platform habang kumakalat ang kanilang ninakaw na larawan sa internet. Ang panukalang batas na ito ay inililipat ang responsibilidad sa nararapat — sa mga abusers at enablers.)


Batay sa pag-aaral ng UNICEF noong 2022, 1 sa 5 kabataang Filipino edad 12-17 ang nakakaranas na ng online sexual abuse o exploitation. Kamakailan lang, nagreklamo sa NBI ang content creator na si Queen Hera matapos gamitin ang larawan ng kanyang anak sa malaswang AI-generated content.


"We owe it to our people — especially women and children — to fight this form of digital violence with the full force of the law," giit ni Nazal. 


(Utang natin sa ating mga kababayan — lalo na sa mga kababaihan at bata — na labanan ang ganitong uri ng karahasan sa digital world gamit ang buong lakas ng batas.)


(Larawan: Wikipedia)