Lalaking nakatakas sa Parañaque, huli sa Gumaca Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-04 16:47:31
GUMACA, QUEZON — Sa bisa ng maagap at malawakang operasyon ng kapulisan, muling nahuli ang isang Person Under Police Custody (PUPC) na tumakas mula sa custodial facility ng Parañaque City Police Station (CPS) kahapon ng madaling-araw, Agosto 3, 2025.
Ayon sa ulat ng Parañaque CPS, bandang 3:42 AM nang makatakas ang nasabing suspek mula sa kanilang kulungan. Kaagad namang nagpalabas ng hot pursuit bulletin ang Southern Police District (SPD) sa lahat ng himpilan, kalakip ang larawan at impormasyon ng suspek.
Dakong 11:30 PM ng parehong araw, natunton ang suspek sa Barangay Pipisik, Gumaca, Quezon sa ikinasang checkpoint operation ng Gumaca Municipal Police Station (MPS), katuwang ang pinagsanib na puwersa ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company (QPMFC), District Special Operations Unit (DSOU-SPD), District Intelligence Division (DID-SPD), at S2 Parañaque CPS.
Batay sa nakalap na impormasyon, namataan umano ang suspek na sumakay sa isang pampasaherong bus patungong Bicol. Dahil dito, agad na naglatag ng checkpoint ang mga awtoridad sa mga entry point ng Gumaca na kalauna’y nagresulta sa matagumpay na pagkakahuli ng tumatakas na bilanggo.
Matapos maaresto, agad dinala ang suspek pabalik sa Parañaque City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at muling pagsasampa ng kaso kaugnay ng kanyang pagtakas.
Nagpaalala naman ang Parañaque CPS sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang indibidwal sa kanilang komunidad. Nagtitiyak din ang kapulisan na mananatiling mas mahigpit ang seguridad sa mga custodial facility upang hindi na maulit ang insidente ng pagtakas.
Nagpasalamat ang pamunuan ng SPD sa mabilis na koordinasyon at suporta ng lokal na pulisya ng Gumaca at iba pang operatiba sa matagumpay na pagkakaaresto ng tumakas na preso.
(Source: PMaj Arjon M Oxina)
(Larawan: PMaj Arjon M Oxina, edited in Canva)
