Miss Gay 2025 winner, 13 beses sinaksak; pulisya tinitingnan ang holdap
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-13 11:58:15
LIPA CITY — Nasawi ang 25-anyos na si Jericho Elliorate, kampeon ng Miss Gay 2025 sa Barangay Sambat, Tanauan City, matapos saksakin ng 13 beses ng isang lalaking nakilala niya sa isang inuman nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng GMA News, galing sa isang salu-salo si Jericho kasama ang mga kaibigang may kapansanan sa pandinig nang makilala niya ang suspek, na kalauna’y inaya siyang sumakay sa tricycle patungong Barangay Tangway sa Lipa. Sa CCTV footage, nakita ang dalawa na bumaba sa tricycle, ngunit hindi nakunan ang aktwal na pananaksak. Makalipas ang ilang minuto, bumalik ang suspek sa crime scene at kinuha umano ang wallet ng biktima.
Kinilala ang suspek bilang si “Paul,” isang 26-anyos na cook na nakatira malapit sa lugar ng krimen. Inaresto siya ng pulisya matapos matukoy sa CCTV at sa tulong ng mga residente. Inamin ng suspek ang krimen at sinabing nainis siya dahil “hinihipuan” umano siya ni Jericho sa loob ng tricycle. Gayunman, mariing pinabulaanan ito ng pamilya ng biktima.
“Hindi po kami naniniwala na hinipuan niya yung lalaki. Opo bakla po siya pero sensitive po siya. 'Yung lokohin nga po siya sa ibang lalaki nagagalit po siya e,” ayon sa kapatid ng biktima, si Janine. Dagdag pa ng ina ni Jericho, “Wala po akong masabi, napakabait po ng anak ko”.
Natagpuan ang bangkay ni Jericho sa harap ng isang kapilya bandang alas-dos ng madaling araw. Ayon sa pulisya, posibleng holdap ang tunay na motibo ng krimen. Narekober ang kanyang wallet sa isang damuhan malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na ang suspek ay kamakailan lamang pinalabas mula sa isang drug rehabilitation center matapos umanong tumangging sumailalim sa paggamot. Kasalukuyang nakakulong si “Paul” sa Lipa City Detention Center at nahaharap sa kasong murder.
Ang insidente ay nagdulot ng matinding lungkot at galit sa LGBTQ community at sa mga residente ng Tanauan at Lipa, na nananawagan ng hustisya para kay Jericho.
