GCash, Maya tuluyan nang isinara ang pinto sa online sugal
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-17 16:33:24
AGOSTO 17, 2025 — Sumunod na sa utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga e-wallet na GCash at Maya, at tuluyan nang pinutol ang koneksyon sa mga online gambling platform. Ang hakbang na ito ay bilang pagtugon sa 48-hour ultimatum ng BSP upang sugpuin ang illegal at mapanganib na online gambling sa bansa.
Ayon sa advisory ng Maya, simula 8 p.m. noong Sabado, Agosto 16, 2025, hindi na maaaring makapag-transact sa online gambling sites gamit ang kanilang "Games" feature.
“We fully support the BSP’s efforts and will continue to work closely with them in promoting the responsible use of digital financial services,” pahayag ng kompanya.
( Buong ang suporta namin sa mga hakbang ng BSP at patuloy kaming makikipagtulungan sa kanila upang itaguyod ang responsableng paggamit ng digital financial services.)
Nauna nang nag-anunsyo ang GCash na pinutol na rin nila ang access sa online gambling sa pamamagitan ng GLife feature nito.
Noong nakaraang Huwebes, inatasan ng BSP ang lahat ng e-wallet at payment service providers (PSPs) na tanggalin ang mga link at icon ng online gambling platforms sa loob ng 48 oras. Kasabay nito, pinag-aaralan na rin ng central bank ang mas mahigpit na regulasyon, kabilang ang biometric verification at limitasyon sa daily transfers para sa online gambling transactions.
Sa isang draft circular, nagmungkahi ang BSP na dapat magkaroon ng hiwalay na sistema ang mga PSP para sa online gambling transactions, na mas mahigpit ang monitoring. Dagdag pa ni BSP Governor Eli Remolona Jr., dapat ding ipagbawal ang access sa online gambling sa mga benepisyaryo ng ayuda mula sa gobyerno.
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pinag-aaralan pa ang posibilidad ng total ban sa online gambling. Noong Hunyo, iniulat ng Malacañang na nasara na ang mahigit 7,000 illegal online gambling websites sa bansa.
Ang hakbang ng BSP at ng mga e-wallet ay bahagi ng mas malawakang kampanya laban sa gambling addiction at illegal operations, lalo't maraming Pilipino ang naaapektuhan ng labis na pagtaya online.
(Larawan: Philippine News Agency)
