Mga batas isasalin sa Filipino, Bisaya at Ilokano ayon sa panukalang Chel Diokno
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-22 08:51:00
MANILA — Isinusulong ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang panukalang batas na nag-uutos ng pagsasalin ng mga batas ng Pilipinas sa Filipino, Bisaya, at Ilokano upang matiyak na nauunawaan ito ng mas nakararaming mamamayan.
Sa ilalim ng House Bill 3863 o “Batas sa Sariling Wika Act,” layunin ni Diokno na gawing mas accessible ang mga batas, lalo na ang may penal provisions, sa mga Pilipinong hindi bihasa sa Ingles. “How can we expect ordinary citizens to follow the law if it’s written in a language they can’t understand?” ani Diokno sa kanyang talumpati sa Kongreso noong Agosto 18.
Binanggit ni Diokno ang mga karaniwang Pilipino na dehado sa sistema dahil sa hadlang sa wika. “A worker in Mindanao shouldn’t need a lawyer or translator to understand the Labor Code; a mother in Ilocos should be able to read the Anti-VAWC law in her native tongue,” dagdag pa niya.
Ang panukala ay naglalayong amyendahan ang Revised Administrative Code of 1987 upang obligahin ang pagsasalin ng mga bagong batas sa loob ng 90 araw mula sa pagpasa, habang ang mga umiiral na batas ay kailangang maisalin sa loob ng limang taon. Kabilang sa mga batas na isasalin ay ang Revised Penal Code, Labor Code, Anti-VAWC Act, Safe Spaces Act, at RA 7610.
Itatalaga ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang pangunahing ahensyang magsasalin ng mga batas, habang ang Presidential Communications Office (PCO) ang mangangalaga sa paglalathala nito sa Official Gazette at online platforms.
Ayon sa datos, ang mga wikang Filipino, Bisaya, Ilokano, at Cebuano ay kinakatawan ng mahigit 56% ng populasyon ng bansa, kaya’t mahalaga ang pagsasalin upang maiwasan ang “misinterpretation” at mapalakas ang karapatan ng bawat Pilipino na maunawaan ang batas na kanilang sinusunod.
Ang panukala ay sinusuportahan din ng mga mambabatas tulad nina Reps. Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Arlene “Kaka” Bag-ao bilang co-authors ng bill.
