Kapitana Jasmine Chan, galing online shop lang umano ang mga damit
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-30 09:09:19
LAPU-LAPU CITY — Mariing pinabulaanan ni Barangay Captain Jasmine “Daday” Chan ng Basak ang mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng barangay kaugnay ng kanyang paglalakbay sa Europa, matapos kumalat ang mga larawan niya sa social media na nagpapakita ng marangyang pananamit.
Sa isang Facebook post nitong Huwebes, nilinaw ni Chan na ang biyahe ay hindi ginastusan mula sa pondo ng barangay. “I just want to clarify once and for all about this trip to Europe. It was a gift from my husband as newlyweds since we were just married. No barangay funds were used. We only went there once,” pahayag ni Chan.
Dagdag pa niya, ang impresyon ng paulit-ulit na pagbisita ay dulot lamang ng madalas na pagpapalit ng damit, na aniya’y mura at binili lamang sa mga online shops. “I have been working since college, I have savings and investments, and my finances are not tied to public money,” giit ng kapitana.
Naglabas din siya ng paumanhin sa mga residente ng Basak at Lapu-Lapu City, na aniya’y naapektuhan ng mga post na “taken out of context.” Tiniyak ni Chan na ang lahat ng pondo ng barangay ay maayos na naitala at dokumentado. “Everyone is welcome to join the next SOBA so you can see where your taxes are being spent. Just visit me at the barangay hall if you still have concerns, because I will continue to serve and care for the people. Thank you,” dagdag niya.
Ang isyu ay nagsimula matapos mag-viral ang mga larawan ng kanyang honeymoon sa Europa, na umani ng batikos mula sa ilang netizens na naniniwalang dapat mamuhay nang simple ang mga lingkod-bayan. Gayunpaman, may ilan ding dumepensa kay Chan, iginiit na may karapatan siyang mag-enjoy sa kanyang personal na buhay, lalo’t may negosyo ang kanyang pamilya.
Ang kontrobersiya ay muling nagbukas ng diskusyon ukol sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nag-uutos sa mga opisyal ng gobyerno na mamuhay nang simple, iwasan ang karangyaan, at panatilihin ang tiwala ng publiko.
Larawan mula kay Jasmine "Daday" Chan
