Ulan sa QC, hinigitan ang Ondoy; 36 barangay, lumubog sa baha sa loob lamang ng isang oras
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-31 11:48:00
AGOSTO 31, 2025 — Binaha ang malaking bahagi ng Quezon City nitong Sabado, Agosto 30, matapos ang matinding buhos ng ulan na tumagal lamang ng isang oras pero lumampas pa sa naitalang ulan noong kasagsagan ng Bagyong Ondoy.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng QC, umabot sa 121 millimeters ang dami ng ulan sa loob ng isang oras — mas mataas kaysa sa 90 millimeters na naitala noong Ondoy noong 2009. Sa kabuuan, 141 millimeters ang naipong ulan sa loob ng 24 oras.
“'Phenomenal' talaga ang rainfall yesterday. In 24 hours, mataas talaga 'yung rainfall in a short span of time,” pahayag ni Peachy de Leon, tagapagsalita ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dagdag pa ni De Leon, “Kakaiba lang talaga ang bagsak ng ulan kahapon. Ang peak intensity sa QC ay 121 millimeters. Eh 141 millimeters ang naitala kahapon sa weather station. Kakaiba talaga. Malakas po talaga yung bagsak ng ulan.”
Dahil dito, 36 sa 142 barangay sa lungsod ang naapektuhan ng baha. Kabilang sa mga lugar na binaha ang Mother Ignacia Avenue, Katipunan Avenue sa Loyola Heights, EDSA-North Avenue, Maginhawa Street, EDSA-Seminary Road, Araneta Avenue, Mindanao Avenue, Elliptical Circle, Commonwealth Avenue, at P. Florentino Street.
Sa Mother Ignacia, umabot sa taas ng tao ang tubig-baha sa loob lamang ng isang oras. Naantala ang trapiko at nahirapan ang mga commuter makauwi.
“Matinding pagbaha ang naranasan sa ilang lugar sa Quezon City kaninang hapon lalo na sa District 1, 3 at 4, na nagdulot ng perwisyo at pagkaabala sa publiko,” ayon sa pahayag ng QC LGU.
Ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan na hindi kinaya ng drainage system ang biglaang dami ng tubig-ulan, kaya’t pati mga lugar na karaniwang hindi binabaha ay lumubog.
Nagtaas ng alert level 3 sa San Juan River, ayon kay De Leon, dahil sa pagtaas ng tubig sa mga daluyan na konektado rito. May mga residente ring kinailangang ilikas at pansamantalang tumuloy sa evacuation centers.
“As of 11:15 p.m. kagabi, mayroon pang evacuees. Pinag-stay muna sila until today,” ani De Leon.
Agad namang bumaba ang tubig-baha matapos ang tuloy-tuloy na declogging operations ng Department of Engineering. Kasabay nito, kumilos ang Department of Sanitation and Cleanup Works para alisin ang mga gamit na inanod at humarang sa mga kanal.
“Ngayon, ang weather update ay uulan pa rin po,” babala ni De Leon.
Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng magkaroon ng flash floods at landslides sa Metro Manila, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Visayas, at CALABARZON dahil sa patuloy na epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.
(Larawan: YouTube)
