Diskurso PH
Translate the website into your language:

Garahe ng mga Discaya pinasok ng customs

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-02 09:55:54 Garahe ng mga Discaya pinasok ng customs

September 2, 2025 — Eksaktong 8:19 ng umaga ngayong Martes, nakapasok sa loob ng compound ng St. Gerard Construction ang mga otoridad mula sa Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensya. 

Ngunit sa kabila ng kanilang presensya sa lugar, hindi pa rin sila nakakapasok sa mismong gusali kung saan umano'y nakaimbak ang mga luxury vehicles na iniimbestigahan.

Ayon sa mga opisyal na nakausap sa lugar, kasalukuyan pa lamang nilang inihahain ang search warrant na may kaugnayan sa mga high-end na sasakyan gaya ng Rolls-Royce, Bentley, at Range Rover na sinasabing nasa loob ng nasabing gusali.

Ang operasyon ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng BOC kaugnay ng posibleng smuggling at tax evasion na konektado sa mga contractor na sina Sarah at Pacifico “Curlee” Discaya.

Ang mga sasakyan ay unang isinapubliko sa isang vlog kung saan ipinakita ni Sarah Discaya ang kanilang garahe. Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 1, inamin ni Discaya na pag-aari nila ang 28 luxury cars, at ang iba ay service vehicles ng kanilang kumpanya. “Kasi kasama pa ‘yung mga service cars ng mga employees ko that is owned by the company,” paliwanag niya.

Ngunit ayon kay Senate Minority Leader Vicente Sotto III, ang isa sa mga dealer na binanggit ni Discaya—ang Frebel Enterprises—ay dati nang na-charge ng BOC sa kasong smuggling ng mga high-end vehicles gaya ng Bugatti Chiron. “’Yung sinabi niya, pinagbilhan niya, 'yung Frebel Enterprises, ito ‘yung mga na-charge ng BOC ng smuggled Bugatti, Chiron. Puro smuggled ang mga sasakyan nito,” ani Sotto.

Sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y ghost at substandard flood control projects ng DPWH, ang lifestyle ng mga kontratista gaya ng mga Discaya ay patuloy na binubusisi. Ang kanilang kumpanya, Alpha and Omega Gen. Contractor & Development Corp., ay kabilang sa 15 kontratistang nakakuha ng halos ₱100 bilyon sa flood control contracts mula 2022 hanggang 2025.

Patuloy ang pagbusisi ng BOC at Senado sa posibleng koneksyon ng mga luxury vehicles sa mga anomalya sa infrastructure spending.

Larawan mula sa Izzy Lee, ABS-CBN News