Kailan lang pwede gamitin ang right against self-incrimination?
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-02 09:31:04
Setyembre 2, 2025 — Muling naging sentro ng talakayan ang karapatang hindi magsalita laban sa sarili o right against self-incrimination matapos ang mainit na Senate Blue Ribbon Committee hearing kahapon, kung saan tumanggi si Mark Allan Arevalo, presidente ng Wawao Builders Corp., na sagutin ang mga tanong ng mga senador ukol sa umano’y ghost flood control projects sa Bulacan.
Sa harap ng mga tanong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, paulit-ulit na sinabi ni Arevalo, “I invoke my right against self-incrimination, sir.”
Ayon sa kanya, payo ng kanyang mga abogado na huwag magsalita dahil maaaring gamitin laban sa kanya ang anumang pahayag sa imbestigasyon.
Ngunit hindi ito ikinatuwa ng mga senador. “Pambihira ka, ghost project lang ang tanong, parang tinatanong ka kung tao ka, hindi mo alam kung tao ka,” ani Villanueva, sabay kuwestyon kung bakit hindi masagot ni Arevalo ang simpleng “yes or no”.
Ano nga ba ang Right Against Self-Incrimination?
Ang karapatang ito ay nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 17 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, “Walang sino mang tao ang dapat piliting maging saksi laban sa kanyang sarili.”
Sa madaling salita, may karapatan ang isang tao na tumangging sagutin ang mga tanong kung ang sagot ay maaaring magdulot ng parusang kriminal laban sa kanya. Ngunit ayon sa mga legal na eksperto, hindi ito maaaring gamitin bilang “blanket protection” o panangga sa lahat ng tanong. Dapat itong i-invoke bawat tanong, at hindi maaaring gamitin kung ang tanong ay hindi kriminal sa kalikasan.
Mga Kilalang Gumamit ng Karapatang Ito
Hindi si Arevalo ang unang gumamit ng karapatang ito sa harap ng Senado.
- Janet Lim-Napoles, utak umano ng pork barrel scam, ay paulit-ulit na tumanggi sa mga tanong ng mga senador noong 2013. Sinabihan pa siya ni Sen. Miriam Defensor Santiago, “Hindi puwede na lahat na lang, ‘Baka masangkot ako.’ May mga guidelines iyan.”
- Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac, ay tumanggi ring dumalo sa Senate hearing ukol sa human trafficking at POGO operations. Sinubukan niyang gamitin ang karapatang ito upang umiwas sa mga tanong, ngunit iginiit ng mga senador na hindi ito maaaring gamitin upang iwasan ang pagdalo sa hearing.
Kailan Lang Dapat Ito Gamitin
- Kung ang tanong ay may direktang kaugnayan sa posibleng krimen
- Kung ang sagot ay maaaring gamitin bilang ebidensya laban sa sarili
- Sa mga criminal proceedings, maaaring tumanggi ang akusado na mag-testify
- Sa mga legislative o administrative hearings, dapat sagutin ang tanong maliban kung ito ay may kaugnayan sa posibleng kriminal na pananagutan
Ngunit kung ang tanong ay simpleng factual tulad ng “May proyekto ba kayo sa Bulacan,” hindi ito sapat na dahilan upang gamitin ang karapatang ito, ayon sa mga legal na komentaryo.
Sa Gitna ng Kontrobersya
Habang patuloy ang imbestigasyon sa mga flood control projects, nananatiling mahalaga ang papel ng transparency at accountability. Ang karapatang hindi magsalita laban sa sarili ay isang mahalagang proteksyon sa ilalim ng batas, ngunit hindi ito dapat abusuhin upang takasan ang pananagutan.
Sa mga susunod na pagdinig, inaasahang mas paiigtingin pa ng Senado ang pagtutok sa mga contractor, opisyal ng DPWH, at mga politiko na posibleng sangkot sa anomalya. At sa harap ng mga tanong ng bayan, ang katahimikan ay maaaring magsalita nang mas malakas kaysa salita.