Diskurso PH
Translate the website into your language:

Fake news daw! Villanueva, itinanggi ang pagkakasangkot niya sa Bulacan flood anomaly

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-04 09:14:30 Fake news daw! Villanueva, itinanggi ang pagkakasangkot niya sa Bulacan flood anomaly

SETYEMBRE 4, 2025 — Mariing pinabulaanan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa mga umano’y maanomalyang proyekto sa flood control sa Bulacan, kasunod ng pagkakasangkot ng dating district engineer na si Henry Alcantara sa mga bayaring ginawa para sa mga proyektong hindi natapos o hindi tumutugma sa pamantayan.

Ayon kay Villanueva, wala siyang direktang koneksyon kay Alcantara maliban sa pagiging kapwa taga-Bulacan. 

Nang tanungin kung may naging transaksyon sila, mariin niyang sinabing “Never. Never.” 

(Hindi kailanman. Hindi kailanman.)

Sa panayam noong Setyembre 3, iginiit ng senador na walang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa mga proyekto, at tinawag niyang “fake news” ang mga paratang. 

Binanggit din ni Villanueva na matagal na niyang isinusulong sa Senado ang solusyon sa pagbaha sa Bulacan, partikular sa Calumpit, ngunit nananatiling hindi nareresolba ang problema. 

“Isa-isahin natin lahat ng video. Isa-isahin niyo po yung reports ninyo the past three years about flood control. Isa-isahin po natin. Bakit sa akin tinuturo? Hindi ba napakaklaro dahil tatamaan na sila ngayon?” giit niya.

Sa usapin naman ng mga contractor, tinukoy ni Villanueva ang Wawao Builders at St. Timothy Construction bilang posibleng “dummy companies.” Idinagdag pa niya na ang Discaya family mula sa Alpha & Omega General Contractor ay handang maglahad ng impormasyon kaugnay sa umano’y bentahan ng lisensya. 

“Well, it looks like they are dummy companies, ‘no? … Klaro yan eh. Even Secretary Bonoan made mention na totoo na nagpapahiram, nabebenta … ang bilis nakakagawa ng kumpanya at nakakapasok. Wala talagang mekanismo,” paliwanag ng senador.

Tinawag ni Villanueva ang sistema bilang “chain of corruption” at nanawagan ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot.

Bilang tugon sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, nagbabala ang senador ng legal na hakbang. 

“Yung mga nag-spread ng fake news, nag-usap na ho kami ng mga lawyers namin. Itong spreading of lies, it’s too much. It’s preposterous. So, we will also file cases against them,” aniya. 

(Larawan: Philippine News Agency)