Malawakang tax amnesty, inilatag na ng DOF
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-05 16:41:22
SETYEMBRE 5, 2025 — Isinusulong ng Department of Finance (DOF) ang dalawang panukalang hakbang upang palakasin ang kita ng pamahalaan: ang general tax amnesty at ang pagpapalawig ng estate tax amnesty. Layunin ng mga ito na hikayatin ang mga taxpayer na ayusin ang kanilang obligasyon sa buwis habang binibigyan ng kapatawaran sa mga dating pagkakautang.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Setyembre 3, ipinaliwanag ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano na saklaw ng general tax amnesty ang mga buwis na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tulad ng income tax, value-added tax (VAT), excise tax, at documentary stamp tax. Kasama rin dito ang VAT at excise tax sa mga importasyon na hawak ng Bureau of Customs (BOC), kahit pa walang naisyung assessment.
Itinakda ng DOF ang amnesty rate sa 2% ng kabuuang assets ng taxpayer hanggang Disyembre 31, 2024, o maaari ring ibase sa net worth sa parehong petsa.
Para sa mga indibidwal, ang bayad ay 5% ng net worth o ₱75,000 — alinman ang mas mataas.
Para naman sa mga korporasyon, ang halaga ng bayad ay nakadepende sa laki ng subscribed capital:
- Higit ₱50 milyon: 5% o ₱1 milyon
- ₱20 milyon hanggang ₱50 milyon: 5% o ₱500,000
- ₱5 milyon hanggang ₱20 milyon: 5% o ₱250,000
- Mas mababa sa ₱5 milyon: 5% o ₱100,000
Ang ibang juridical entities ay papatawan din ng 5% o ₱75,000, alinman ang mas mataas.
“We are allowing a discount depending on when you comply or pay the amnesty tax, which ranges from 10 percent to 20 percent,” paliwanag ni DOF Assistant Secretary Nina Asuncion. “Of course, the immunities and privileges would include exemption from taxes, penalties, and legal cases for 2024 and prior years’ tax liabilities.”
(Nagbibigay kami ng diskwento depende kung kailan ka magbabayad ng amnesty tax, mula 10% hanggang 20%. Kasama sa benepisyo ang exemption sa buwis, multa, at mga kaso para sa 2024 at mga nakaraang taon.)
Gayunpaman, hindi lahat ay maaaring makinabang sa amnesty. Hindi saklaw ang mga may kasong may kaugnayan sa unexplained wealth, anti-graft, money laundering, at tax evasion. Hindi rin kasama ang mga may final at executory cases, delinquencies, at mga assessment na umiiral na. Bukod pa rito, hindi na saklaw ang mga kasong napailalim na sa 2019 estate at delinquency amnesty programs.
Kasabay ng general tax amnesty, iminungkahi rin ng DOF ang pagpapalawig ng estate tax amnesty hanggang Hunyo 30, 2028. Mananatili ang rate sa 6% para sa mga ari-arian ng mga namatay bago o noong Mayo 31, 2024.
Batay sa datos ng BIR, umabot sa ₱6.6 bilyon ang kabuuang koleksyon mula sa estate tax noong 2024. Sa halagang ito, ₱2.7 bilyon ay mula sa mahigit 52,000 taxpayer na nag-avail ng amnesty, habang ₱3.9 bilyon naman ang galing sa regular na estate tax filings mula sa higit 103,000 filer.
Tinatayang 35.6% ng lahat ng estate tax filings noong 2024 ay mula sa mga nag-avail ng amnesty — ang pinakamataas na porsyento mula noong 2019.
Sa kabuuan, layunin ng DOF na palakasin ang kita ng gobyerno sa paraang hindi umaasa sa dagdag na utang o pagliit ng pondo para sa mga serbisyong pampubliko. Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga taxpayer na ayusin ang kanilang obligasyon habang binabawasan ang pasanin ng legal at pinansyal na problema.
(Larawan: Department of Finance)
