Apat na taong gulang na bata, nasawi sa sunog sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig
Ipinost noong 2025-09-06 22:43:21
Pasig City — Isang apat na taong gulang na bata ang nasawi habang sugatan ang kanyang ina matapos ma-trap sa isang sunog na tumupok sa dalawang bahay sa PUPHA Compound, Urbano Velasco Street, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, madaling araw ng Sabado, Setyembre 6,2025.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasig, nagsimula ang sunog bandang alas-2:14 ng umaga at umabot sa “first alarm” bago idineklarang “fire out” sa ganap na alas-2:46 ng madaling araw.
Batay sa imbestigasyon, nakatulog umano ang mag-ina sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang mabilis na kumalat ang apoy. Nagtangkang iligtas ng ina ang kanyang anak, ngunit napilitang tumalon sa bintana para mailigtas ang sarili. Hindi na niya nagawang sagipin ang bata na naiwan sa loob.
Dalawang bahay na yari sa magaan na materyales ang natupok, at limang pamilya ang naapektuhan. Patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at tinataya ang kabuuang pinsala.
Samantala, nag-alay ng mga kandila ang mga kapitbahay sa harap ng nasunog na bahay bilang paggunita sa bata at bilang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
Nagpahayag ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Pasig at tiniyak na may ibibigay na ayuda para sa mga apektadong pamilya.
larawan/facebook
