Donasyon o diskarte? 9 pang kontratista, nadiskubreng nag-donate sa mga kandidato noong Eleksyon 2022
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-07 13:57:00
SETYEMBRE 7, 2025 — Nadagdagan pa ang bilang ng mga kontratistang posibleng nagbigay ng donasyon sa mga tumakbong kandidato noong Eleksyon 2022, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, siyam pang kumpanya mula sa sektor ng konstruksyon ang natukoy ng ahensya. Sa kabuuan, pito sa kanila ay nag-ambag sa kampanya ng mga senador at kongresista, habang 15 naman ang nagbigay sa mga partido at party-list.
“Lumalabas, isang construction ay nagbigay sa 2-3 kandidato o may isang kandidato, nakinabang sa 3 construction company,” ani Garcia sa panayam.
Nauna nang isinumite ng Comelec sa House Committee on Appropriations ang listahan ng 34 kontratistang posibleng nag-donate sa mga kandidato. Sa Lunes, isusunod ang karagdagang siyam.
Kasabay nito, makikipag-ugnayan ang Comelec sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang beripikahin kung may kontrata sa gobyerno ang mga naturang kumpanya noong panahon ng eleksyon.
Magpapadala rin ang Comelec ng show cause order sa mga kontratista para ipaliwanag ang kanilang donasyon. May limang araw silang palugit para tumugon.
Tatlo sa 15 kontratistang nabigyan ng flood control projects na isinapubliko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kabilang sa mga nagbigay ng donasyon sa mga kandidato.
Binigyang-diin ni Garcia na bawal tumanggap ng donasyon mula sa mga kontratistang may kasalukuyang kontrata sa gobyerno, alinsunod sa Omnibus Election Code.
“Hindi pwedeng basta-basta tumanggap ng kahit anong donasyon, tulong, o pera ang kahit sinong nakaupo sa pamahalaan,” giit ni Garcia.
Maaaring patawan ng administratibong parusa ang mga opisyal na tumanggap ng ganitong donasyon, kabilang ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. May kaakibat ding parusang pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon.
Bukod sa mga kontratista, saklaw din ng pagbabawal ang mga may prangkisa, minahan, at institusyong pang-edukasyon.
Samantala, kinumpirma ni Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc., na nagbigay siya ng ₱30 milyon sa kampanya ni Senate President Francis “Chiz” Escudero noong 2022.
“I donated P30 million to Senator Escudero’s campaign from my own pocket,” pahayag ni Lubiano.
(Nagbigay ako ng ₱30 milyon sa kampanya ni Senador Escudero mula sa sarili kong bulsa.)
Kinilala ni Escudero si Lubiano bilang campaign donor ngunit itinanggi ang anumang kaugnayan sa flood control projects sa Sorsogon o sa ibang bahagi ng bansa.
Patuloy ang imbestigasyon ng Comelec sa posibleng paglabag ng mga kontratista at kandidato sa batas ukol sa campaign contributions.
(Larawan: Philippine News Agency)
