Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH Navotas, pinagbabato ng shells ng tahong!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-08 23:16:28 DPWH Navotas, pinagbabato ng shells ng tahong!

NAVOTAS CITY — Nagkagulo sa tapat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Malabon-Navotas District Engineering Office nitong Linggo, Setyembre 8, matapos marahas na buwagin ng pulisya ang kilos-protesta ng mga mangingisda at mga biktima ng pagbaha sa lungsod.

Bitbit ang mga plakard at sigaw ng pagkondena, binato ng mga miyembro ng Pamalakaya Pilipinas-Navotas at mga residente ang tanggapan ng mga kabibi ng tahong bilang simbolikong protesta laban sa umano’y korupsiyon at anomalya sa halos ₱4 bilyong flood control projects sa Navotas.

Giit ng mga nagprotesta, sa kabila ng bilyon-bilyong pondo na inilaan para sa mga proyektong kontra-baha, patuloy pa rin ang matinding pagbaha sa lungsod kahit bahagyang ulan lamang. Itinuturo nilang dahilan ang kapabayaan ng pamahalaan at ang umano’y maanomalyang pagbibigay ng kontrata sa mga kumpanyang Topnotch Catalyst Builders Inc. at St. Timothy Construction.

Sa gitna ng tensyon, ilang raliyista ang nagtamo ng minor injuries matapos kumilos ang mga pulis upang ipatigil ang kanilang kilos-protesta. Mariin namang kinondena ng mga lider ng Pamalakaya ang anila’y marahas na pagtrato ng awtoridad sa mga naggigiit lamang ng kanilang karapatan.

Nanawagan ang mga residente sa pamahalaan na imbestigahan ang implementasyon ng flood control projects at papanagutin ang mga opisyal at kumpanyang sangkot sa iregularidad. “Kung maayos ang paggamit ng pondo, hindi sana kami lumulubog sa baha kahit kaunting ulan lang,” ayon sa isang residente.

Samantala, wala pang pahayag ang DPWH hinggil sa isyu sa oras ng pagsulat ng balitang ito. (Larawan: Pinoy Weekly / Fb)