Lalaki, patay sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Palawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 22:42:56
PALAWAN — Isang vehicular accident ang naganap kagabi, Setyembre 21, 2025, bandang alas-8:00 ng gabi sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Malihud, Bataraza, Palawan. Sangkot dito ang dalawang motorsiklo na nagresulta sa pagkamatay ng isang motorista at pagkakasugat ng tatlong iba pa.
Batay sa ulat ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), nagbanggaan ang isang Honda RS Road Sport na kulay asul, minamaneho ni alyas “Ram” (30), kasama ang asawa nitong si “Charm” (31), at isang Kawasaki Bajaj na kulay itim na minamaneho ni alyas “Nard” (35), kasama ang backrider na si “Den” (51). Pawang mga residente ng Barangay Marangas, Bataraza ang mga nasangkot.
Ayon sa imbestigasyon, parehong binabagtas ng dalawang motorsiklo ang highway sa magkasalungat na direksyon. Paglampas sa under-construction na tulay ng Malihud, umano’y pumasok sa linya ng Road Sport ang mabilis na paparating na Kawasaki Bajaj. Sinubukan pang iwasan ni “Ram” ang motorsiklo ngunit hindi na naiwasan ang salpukan.
Agad namang dinala sa Bataraza District Hospital ang lahat ng biktima para malapatan ng paunang lunas. Subalit, idineklarang dead on arrival si “Nard”, ang driver ng Kawasaki Bajaj. Samantala, si “Ram” at ang kanyang asawa ay inilipat sa ACE Hospital sa Puerto Princesa City para sa mas malawak na gamutan.
Sa kasalukuyan, kapwa naka-impound sa Bataraza MPS ang dalawang motorsiklo na nagtamo ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente. (Larawan: Mark John Nillo / Fb)
