Mga Discaya, pasok na sa witness protection program - DOJ
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-24 16:48:50
MANILA — Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na isinailalim na sa Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya, matapos nilang isiwalat ang umano’y malawakang korapsyon sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, “Ang protected witness kasi, kaya ginawa ang witness protection program, para ang mga testigo sa mga kaso ay hindi masaktan at hindi pagtangkaan ang buhay, kaya iyan ay isang katungkulan na aming tinutupad.” Dagdag pa niya, “Pwede na rin silang protected witness, iyan ang susunod naming aanuhin.” Bagama’t hindi pa sila idineklara bilang state witnesses, itinuturing na silang “protected” dahil sa panganib sa kanilang seguridad.
Ang mag-asawa ay dumating sa DOJ noong Setyembre 19 upang pormal na isumite ang kanilang aplikasyon. Si Curlee ay dumating na naka-bulletproof vest at sinundo ng sasakyan ng Senado matapos ma-cite in contempt sa isang pagdinig. Si Sarah naman ay dumating nang nakatakip ang mukha at sinamahan ng kanilang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 23, naging sentro ng mainit na diskusyon ang kondisyon ng pagsasauli ng pera bago maipasok sa WPP. Iginiit ni Senador Rodolfo Marcoleta at ni Remulla na dapat munang isauli ng Discayas ang perang nakuha mula sa mga proyekto. “It’s not in the law but sa akin po Sir, hindi lang po batas ang nagdidictate nito. It’s also what is morally right. What is expected of us,” ani Remulla.
Tumutol naman si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na nagsabing ang ganitong kondisyon ay maaaring makapigil sa mga whistleblower. “Protection should come first, then accountability follows,” giit ni Lacson. Nagkaroon pa ng tensyon sa pagitan nina Lacson at Marcoleta, matapos tanungin ni Lacson, “Why are you so protective of the Discayas?”.
Ayon sa DOJ, ang pagsasailalim sa WPP ay hindi nangangahulugang awtomatikong discharge bilang state witness. “The proceedings are confidential of the witness protection. It’s in the law. We have to be careful about what we talk about in public,” paliwanag ni Remulla.
Ang Discaya couple ay kabilang sa mga contractor na nakatanggap ng bilyong pisong pondo para sa flood control projects mula 2022 hanggang 2025. Sa mga pagdinig sa Senado, isiniwalat nila ang mga pangalan ng ilang mambabatas at opisyal ng DPWH na umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga ghost projects at budget insertions.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado at DOJ, habang inaasahang magbibigay pa ng mas malalim na testimonya ang Discayas sa mga susunod na pagdinig.
