MTRCB bumanat: Viva ipinatawag matapos murahin ni Sassa Gurl ang Board
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 17:11:47 
            	MANILA — Ipinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Viva Communications, Inc. matapos kumalat sa social media ang isang viral video kung saan maririnig ang content creator na si Sassa Gurl na minumura ang MTRCB sa premiere night ng pelikulang Dreamboi, isa sa mga kalahok sa CineSilip Film Festival 2025.
Ayon sa MTRCB, ang remark ni Sassa Gurl ay itinuturing nilang “disrespectful” hindi lamang sa institusyon kundi pati sa mga taong nasa likod ng trabaho ng Board.
Nag-ugat ang insidente matapos ma-X ng MTRCB ang Dreamboi, na pinagbibidahan ni Tony Labrusca, habang hinihintay pa ang tamang R-18 classification bago ito maipalabas sa mga sinehan. Sa video na kumalat online, maririnig si Sassa Gurl na nagbitiw ng maaanghang na salita laban sa ahensya habang nagpapa-interview sa red carpet.
Sa isang liham na may petsang October 23, ipinadala ng MTRCB ang pormal na imbitasyon kay Viva President Vincent G. Del Rosario upang dumalo sa isang dialogue meeting. Layunin ng pagpupulong na “magkaroon ng mutual understanding” at mapaalalahanan ang talent agencies at content creators tungkol sa responsableng asal sa mga public event.
Sinabi pa ng MTRCB na habang kinikilala nila ang karapatan sa malayang pagpapahayag, mayroon silang “serious concern” sa paggamit ng wika na nakakasira umano sa respeto sa mga pampublikong institusyon at sa mga pamantayan ng film classification.
Gaganapin ang pulong sa Nobyembre 4, na magsisilbing espasyo para sa “constructive discussion” at pagpapatibay ng professionalism at accountability sa loob ng entertainment industry.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Sassa Gurl o ang Viva tungkol sa isyu. Patuloy namang tinututukan ng publiko kung ano ang magiging hakbang ng kumpanya at ng content creator sa gitna ng kontrobersiya.
