Umano’y overpricing ng ‘Dolomite Beach’ noong panahon ni Duterte, pa-iimbestigahan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:23:21
MANILA, Philippines — Sisilipin ng Kamara de Representantes ang umano’y posibleng overpricing at paglabag sa proseso sa kontrobersyal na Dolomite Beach Project sa Manila Bay, na inilunsad noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, sisimulan sa susunod na buwan ang pagdinig upang matukoy kung makatuwiran, kinakailangan, at sumusunod sa mga pamantayan ang naturang proyekto.
“It’s not just a question of overpricing. It’s also a question of whether these projects were even necessary in the first place,” ani Ridon, na binigyang-diin din ang kakulangan umano ng proyekto sa NEDA master plan para sa Manila Bay rehabilitation.
Dagdag pa niya, layunin ng Kamara na suriin ang mga proyekto ng nakaraang administrasyon upang matiyak kung ang mga ito ay may matibay na basehang teknikal at pangkapaligiran, alinsunod sa mga pamantayan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ang Dolomite Beach, na ipinatupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2020, ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program. Gayunman, umani ito ng batikos mula sa publiko dahil sa umano’y mabigat na gastos, kakulangan sa transparency, at sa tanong kung tunay nga ba itong nakatulong sa kalinisan at ekolohiya ng Manila Bay.
Tiniyak ni Ridon na magiging malawak at patas ang imbestigasyon upang matukoy kung nagkaroon ng iregularidad sa pagpapatupad ng proyekto at kung may dapat managot sa paggamit ng pondo ng bayan. (Larawan: Terry Ridon / Facebook: Dolomite Beach / Google)
