Bangkay ng 6 PAF personnel sa bumagsak na chopper narekober sa Agusan del Sur
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-05 08:20:56
AGUSAN DEL SUR — Kinumpirma ng mga awtoridad na narekober na ang bangkay ng anim na kasapi ng Philippine Air Force (PAF) na sakay ng bumagsak na helicopter sa Loreto, Agusan del Sur noong Nobyembre 4, habang isinasagawa ang search and rescue operations kaugnay ng pananalasa ni Bagyong Tino.
Ayon sa ulat, ang mga nasawi ay bahagi ng 505th Search and Rescue Group ng PAF na nakatalaga sa Eastern Mindanao Command (Eastmincom). Ang chopper, isang Super Huey, ay bahagi ng flight mission mula Davao City patungong Butuan City upang magsagawa ng damage assessment sa mga komunidad sa Caraga region na tinamaan ng bagyo.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ang mga pangalan ng dalawang piloto at apat na crew members habang hinihintay pa ang resulta ng forensic confirmation.
“The bodies of six Philippine Air Force personnel who were on board a helicopter that was on a search and rescue mission during Typhoon Tino have been recovered from the crash site in Agusan del Sur,” ayon sa opisyal na pahayag ng PAF.
Ang insidente ay naganap sa gitna ng malawakang pagbaha at pinsala sa Visayas at Mindanao dulot ng Bagyong Tino, na ayon sa Office of Civil Defense ay nag-iwan ng 26 patay at libu-libong lumikas sa kani-kanilang tahanan.
Patuloy ang imbestigasyon ng militar sa sanhi ng pagbagsak ng chopper, habang nagpapaabot ng pakikiramay ang pamahalaan sa mga pamilya ng mga nasawi.
Larawan mula kay Delmar Jay-ar Bantuasan II
