Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bilang ng nasawi kay Tino umakyat sa 26; libo-libo lumikas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-05 08:20:54 Bilang ng nasawi kay Tino umakyat sa 26; libo-libo lumikas

MANILA — Umakyat na sa 26 ang bilang ng nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino (Kalmaegi), ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes ng gabi, Nobyembre 4.

Sa isang online briefing, sinabi ni OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV na 22 sa mga nasawi ay mula sa Cebu, na isa sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagyo. Bukod dito, dalawa ang naiulat na nasawi sa Negros Island Region (NIR), isa sa Western Visayas, at isa sa Eastern Visayas.

Dagdag pa ni Alejandro, may 10 katao ang naiulat na nawawala matapos tumama ang bagyo sa Visayas at Mindanao. Sa bilang na ito, pito ay mula sa Central Visayas, isa sa Eastern Visayas, at dalawa sa NIR. “The reported casualties and missing persons are still being validated,” aniya.

Ayon naman sa OCD spokesperson Junie Castillo, 387,000 katao ang preemptively evacuated mula sa mga lugar na nasa landas ng bagyo. Karamihan sa mga nasawi ay naiulat na nalunod sa gitna ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang Bagyong Tino ay nag-landfall sa pitong lugar sa loob ng 36 oras, kabilang ang Southern Leyte, Cebu, Negros Occidental, Guimaras, Panay Island, Busuanga, at Taytay sa Palawan. Taglay nito ang lakas na hangin na umabot sa 130 km/h at gustiness na 165 km/h, na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga rehiyon ng Visayas at MIMAROPA.

Patuloy ang validation ng mga datos ng OCD at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang nagpapatuloy ang relief operations sa mga apektadong lugar.

Larawan mula kay Juan Carlo de Vela