Diskurso PH
Translate the website into your language:

DSWD, naglunsad ng anti-fraud app; pag-beripika sa ayuda, pinabilis na!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-10 10:29:01 DSWD, naglunsad ng anti-fraud app; pag-beripika sa ayuda, pinabilis na!

NOBYEMBRE 10, 2025 — Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Basta Beripikado Mabilis (BBM) Serbisyo App, isang digital na plataporma na layong sugpuin ang panloloko sa mga programa ng ahensya at pabilisin ang beripikasyon ng mga benepisyaryo.

Ayon kay Jimmy Francis Schuck, direktor ng Social Registry Office ng DSWD, tumutulong ang BBM Serbisyo App na matiyak ang pagiging lehitimo ng mga tumatanggap ng ayuda mula sa mga programa gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Sustainable Livelihood Program (SLP).

“It is important for the DSWD to ensure that every client, every beneficiary receiving assistance is a legitimate individual, meaning they are not fake, bogus or fictitious,” ani Schuck. 

(Mahalaga sa DSWD na matiyak na ang bawat kliyente, bawat benepisyaryong tumatanggap ng tulong ay tunay na indibidwal, hindi peke, hindi gawa-gawa.)

Sa pamamagitan ng app, maaaring magpatala ang mga benepisyaryo gamit ang kanilang national ID — printed man o digital — upang mapabilis ang pag-apruba ng tulong at maiwasan ang “ghost recipients” at dobleng ayuda. May kakayahan din ang app na magbigay ng digital copy ng ID kung sakaling mawala ang pisikal na card.

“The BBM Serbisyo is an online platform that all DSWD clients and beneficiaries can use to check if they have a national ID released by the Philippine Statistics Authority (PSA),” paliwanag ni Schuck. 

(Ang BBM Serbisyo ay isang online platform na maaaring gamitin ng lahat ng kliyente at benepisyaryo ng DSWD para malaman kung may national ID na sila mula sa Philippine Statistics Authority.)

Sa kasalukuyan, mahigit 180,000 benepisyaryo na ang nakapagpatala at naberipika sa BBM Serbisyo App. Target ng DSWD na maabot ang tinatayang 50 hanggang 60 milyong benepisyaryo sa buong bansa.

Aminado si Schuck na hamon pa rin ang limitadong internet access sa mga liblib na lugar. Sinabi niyang gumagawa na ng hakbang ang ahensya upang mapalawak ang konektibidad at maisama ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) sa digital na serbisyo ng pamahalaan.



(Larawan: Department of Social Welfare and Development - DSWD | Facebook)