PNP, pinaiimbestigahan ang umano’y ‘duplicate’ o pekeng social media account na gumagamit ng kanilang logo
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-12 23:43:17
MANILA — Pumalag ang Philippine National Police (PNP) sa biglang pag-usbong ng isang diumano’y “duplicate account” sa social media na gumagamit ng kanilang opisyal na pangalan at logo, na posibleng magdulot ng kalituhan sa publiko o magamit sa ilegal na gawain ng mga nasa likod nito.
Ayon sa opisyal na pahayag ng PNP ngayong Miyerkules, Nobyembre 12, humingi na sila ng tulong sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) upang matukoy ang mga responsable sa pekeng account.
“The Philippine National Police has been made aware of a duplicate social media account using the name ‘Philippine National Police.’ We want to make it clear that this account does not belong to the PNP and is not in any way connected to our organization,” sabi sa kanilang statement.
Ayon sa ulat, ang duplicate account, na may klasipikasyon bilang “public group,” ay may humigit-kumulang 31,900 members, samantalang ang opisyal na PNP account ay may 2.1 million followers.
Nagpaalala ang PNP sa publiko na maging mapanuri sa social media upang mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon at maprotektahan ang integridad ng kanilang organisasyon.
“Your vigilance helps us stop the spread of misinformation and protect the integrity of our organization,” dagdag pa nila. (Larawan: PNP / Facebook)
