Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bernardo: Bonoan at Cabral daw may sariling ‘kickback’ sa DPWH projects

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-14 11:12:01 Bernardo: Bonoan at Cabral daw may sariling ‘kickback’ sa DPWH projects

MANILA — Lumutang ang mabibigat na alegasyon laban kay DPWH Secretary Manuel Bonoan matapos ilahad ng dating undersecretary na si Roberto R. Bernardo ang umano’y pagkakasangkot ng kalihim sa malawakang kickback operations at manipulasyon ng proyekto sa Department of Public Works and Highways.

Sa kanyang affidavit, iginiit ni Bernardo na matagal na siyang naglingkod sa DPWH at tinitingala si Bonoan bilang mentor. Aniya, “I look up to Sec. Bonoan and consider him as a mentor. I treasure his guidance and friendship over the years.” Ngunit sa kabila nito, inamin niyang isinagawa niya ang mga transaksyong nagdulot ng konsensya at panghihinayang.

Inilahad ni Bernardo na pag-upo ni Bonoan bilang DPWH chief noong 2022, agad siya nitong inutusan na maghanda ng mga listahan ng proyekto para sa NEP, kabilang ang:

  • ₱450 milyon para sa FY 2023

  • ₱150 milyon para sa FY 2024

  • ₱900 milyon para sa FY 2025

Ayon kay Bernardo, “Without question and delay, I asked Bulacan First DEO for a list of projects,” bago isinumite ang mga ito kay Bonoan at kay Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral, na umano’y tutulong para maisama ang mga proyekto sa NEP.

Mas mabigat ang sumunod na pahayag ni Bernardo: bawat proyekto, aniya, ay may kalakip na percentage na kinokolekta bilang “commitment fee.”
Ayon sa kanya, “Engineer Alcantara gave 10%, then 15%, then 20% of the value of the projects,” batay sa bawat taon ng NEP na inihahanda.

Inamin niyang bahagi ng perang ito ay napupunta sa kanya, kay Bonoan, at kay Cabral. Giit ni Bernardo, “With respect to the commitments collected… Secretary Bonoan and I received a percentage.”

Pinakamatingkad ang alegasyon tungkol sa umano’y “reserve allocations” na hawak nina Bonoan at Cabral. Sa mga deliberasyon daw ng budget taon-taon, gumagawa umano si Cabral ng paraan para magtabi ng porsyento ng pondo mula sa DPWH NEP.

Ayon kay Bernardo, “Usec. Cathy Cabral would reserve a substantial percentage of the allocable NEP for her and Sec. Bonoan’s preferred projects.”

Araw-araw umano siyang inuutusan ni Bonoan upang harapin ang mga mambabatas ukol sa pondo at proyekto. Aniya, “Sec. Bonoan would from time to time ask me to take charge of part of his own reserve allocations.”

Tinukoy rin ni Bernardo ang laki ng pondong hawak umano ng kalihim: “The value of the projects that I handled for Sec. Bonoan was at least ₱5 billion per annum… with an average of 15% commitment.”

Idinagdag niyang 25% ng naturang commitment ang ibinibigay sa kanya, habang ang natitira ay pinaghahatian umano nina Bonoan at Cabral.

Sa pagtatapos ng kanyang affidavit, sinabi ni Bernardo na, “I humbly reserve the right to submit another supplementary affidavit if warranted,” hudyat na marami pa raw siyang hawak na impormasyon.

Wala pang tugon sina Secretary Bonoan at Undersecretary Cabral hinggil sa mga akusasyon sa oras ng pagsulat ng balitang ito.