Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘This is definitely a desperate move’ — Usec. Claire Castro, tinawag na desperado si Sen. Imee Marco matapos ang viral na pahayag nito laban sa Pangulo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-17 23:41:33 ‘This is definitely a desperate move’ — Usec. Claire Castro, tinawag na desperado si Sen. Imee Marco matapos ang viral na pahayag nito laban sa Pangulo

MANILA, Philippines — Naglabas ng matapang na pahayag ang Palace Press Officer Claire Castro matapos ang pag-usbong ng kontrobersyal na rebelasyon ni Senator Imee Marcos laban sa kanyang kapatid, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kaugnay ito ng umano’y alegasyon na may kinalaman ang Pangulo sa paggamit ng ipinagbabawal na droga—isang pahayag na nagpasiklab ng diskusyon sa gitna ng mga pulitikal na kaganapan sa bansa.

Sa inilabas na opisyal na statement nitong Nobyembre 17, diretsong sinabi ni Castro na “desperado at walang basehan” ang biglaang pagsisiwalat ni Sen. Imee, lalo na’t ibinato ito sa gitna ng nagaganap na Rally for Transparency and a Better Democracy sa Quirino Grandstand.

“This is definitely a desperate move,” ani Castro, na mariing kinuwestiyon ang timing at motibo ng senadora.

Ayon pa kay Castro, malinaw na may personal o pulitikal na interes na gumagalaw sa likod ng pagsisiwalat. Iginiit niyang matagal nang sumailalim sa drug test ang Pangulo bago pa man nagsimula ang kanyang pambansang kampanya, at opisyal itong kinumpirma ng St. Luke’s na negative ang resulta.

“Alam naman natin na nagkaroon na ng drug test noon pang bago mangampanya ang Pangulo,” paliwanag ni Castro. “Walang basehan dahil kung itong test na ito na siyang kinumpirma ng St. Lukes na negatibo, bakit hindi siya tumutol noon? Alam natin kung ano ang motibo niya.”

Samantala, patuloy na nagiging sentro ng atensiyon ng publiko ang hidwaan sa pagitan ng magkapatid na Marcos. Nagdudulot ito ng mas mainit na pagtatalo sa social media at mga political forum, kung saan hinihingi ng ilan ang malinaw na paglilinaw mula sa magkabilang panig.

Sa kasalukuyan, wala pang karagdagang tugon mula kay Sen. Imee hinggil sa mga banat ni Castro, ngunit inaasahang uusbong pa ang mga pahayag sa mga susunod na araw habang tumitindi ang tensyon sa loob mismo ng political circle ng administrasyon. (Larawan: Claire Castro / Facebook)