Diskurso PH
Translate the website into your language:

Health advocates, igniiit ang pagpapalawak ng PhilHealth coverage sa lung cancer

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-07 19:13:02 Health advocates, igniiit ang pagpapalawak ng PhilHealth coverage sa lung cancer

DISYEMBRE 7, 2025 — Sa gitna ng tumitinding kaso ng lung cancer sa bansa, muling iginiit ng mga eksperto at health advocates ang agarang pagpapalawak ng benepisyo mula sa PhilHealth para sa mga pasyenteng apektado ng naturang sakit. Sa ASPIRE Lung Summit 2025, inilunsad ang Philippine Declaration on Lung Cancer Diagnostics and Treatment Access na naglalayong magpatupad ng mas komprehensibong package para sa diagnosis at gamutan.

Ayon sa datos ng Global Cancer Observatory, lung cancer ang ikalawang may pinakamataas na bagong kaso sa Pilipinas noong 2022, kasunod ng breast cancer, subalit nananatiling pangunahing sanhi ito ng pagkamatay sa lahat ng uri ng kanser sa bansa. 

“Lung cancer is not just another health challenge. It is the leading cause of death among all cancers in the Philippines,” pahayag ni Atty. Arnel Mateo, chairman ng Lung Health Alliance of the Philippines (LungHAP). 

(Ang lung cancer ay hindi basta hamon sa kalusugan. Ito ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa lahat ng uri ng kanser sa Pilipinas.)

Binanggit sa deklarasyon ang pangangailangan ng mas maagang pagtuklas sa sakit sa pamamagitan ng modernong kagamitan, pagtatayo ng regional cancer centers, at mas matibay na ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor para sa pondo at imprastraktura. Kasama rin sa panawagan ang pagbawas ng stigma, pagpapalakas ng kaalaman, at pagbibigay ng boses sa mga pasyente.

Para kay Dr. Kenneth Samala, medical oncologist at lead researcher ng ASPIRE, kritikal ang mas malawak na coverage ng PhilHealth upang mapabuti ang resulta ng gamutan. 

“Adequate funding and insurance are essential to ensure timely access to diagnostics, treatment, and specialized care across the country,” aniya. 

(Sapat na pondo at insurance ang mahalaga upang matiyak ang napapanahon na access sa diagnostics, gamutan, at espesyal na pangangalaga sa buong bansa.)

Dagdag pa ni Dr. Corazon Ngelangel ng Philippine Cancer Society, maaaring makatulong ang artificial intelligence (AI) sa mga lugar na kulang sa kagamitan. 

Binanggit din ni Samala, “Investing in early detection and comprehensive treatment not only saves lives, it allows patients to return to society as productive contributors.” 

(Ang pamumuhunan sa maagang pagtuklas at komprehensibong gamutan ay hindi lang nagliligtas ng buhay, kundi nagbibigay-daan sa mga pasyente na muling maging produktibong bahagi ng lipunan.)

Sa kasalukuyan, limitado pa ang saklaw ng PhilHealth sa screening para sa mga edad 50 hanggang 80 na naninigarilyo o may history ng lung cancer sa pamilya.



(Larawan: Philippine News Agency)