Marcos nilagdaan ang AO 40 para sa hanggang ₱20k insentibo ng gov’t workers
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-13 09:21:46
MANILA — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 40 na nagtatakda ng pagbibigay ng isang beses na Service Recognition Incentive (SRI) na hanggang ₱20,000 para sa mga empleyado ng pamahalaan ngayong taon.
Layunin ng insentibo na kilalanin ang patuloy na pagsusumikap, katapatan, at kontribusyon ng mga kawani sa pagtupad ng mga layunin ng administrasyon at pambansang kaunlaran.
Sakop ng insentibo ang mga civilian personnel ng national government agencies, state universities and colleges (SUCs), at government-owned or -controlled corporations (GOCCs), anuman ang kanilang employment status — regular, contractual, o casual. Kasama rin ang mga military personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Department of National Defense, at mga uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP), Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government.
Dagdag pa rito, sakop din ng AO 40 ang mga uniformed personnel ng Bureau of Corrections (BuCor) sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang pagbibigay ng SRI ay bahagi ng tradisyon tuwing katapusan ng taon upang magbigay ng dagdag na benepisyo sa mga kawani ng gobyerno.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has granted government employees a Service Recognition Incentive for 2025 to acknowledge their continued hard work, loyalty, and contributions to achieving the country’s development goals and the administration’s socioeconomic agenda,” nakasaad sa opisyal na pahayag.
Ang pondong gagamitin para sa insentibo ay magmumula sa available allotments ng mga ahensya, habang ang Department of Budget and Management (DBM) ang mangunguna sa implementasyon.
Sa kabuuan, inaasahang makikinabang ang libu-libong kawani ng pamahalaan sa buong bansa mula sa insentibong ito, na nakikitang malaking tulong ngayong holiday season.
