Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bride-to-be sa QC, naglaho 4 na araw bago ang kasal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-15 11:38:39 Bride-to-be sa QC, naglaho 4 na araw bago ang kasal

DISYEMBRE 15, 2025 — Sa halip na kasiyahan, pangamba ang bumalot sa pamilya at mga kaibigan ng bride-to-be na si Sherra “Sarah” De Juan matapos siyang biglang maglaho apat na araw bago ang nakatakdang kasal sa North Fairview noong Disyembre 14.

Ayon sa fiancé na si Mark Arjay Reyes, 31, isang IT engineer, huling nakipag-chat sa kanya si Sherra noong Disyembre 10 bandang ala-una ng hapon. Sinabi nitong pupunta siya sa Fairview Center Mall upang bumili ng sapatos na isusuot sa kanilang kasal. 

Masaya pa umano si Sherra noon dahil kakakuha lang niya ng wedding gown. Ngunit hindi na siya nakabalik sa kanilang bahay.

Iniwan ni Sherra ang kanyang cellphone na naka-charge, dahilan upang hindi siya makontak ng fiancé at pamilya. Pagsapit ng gabi, nagsimula na ang kanilang paghahanap. 

“Kinabahan na ako kasi sobrang tagal na, 5 hours na mahigit,” ani Mark. 

Isang CCTV footage mula sa barangay ang nagpakita kay Sherra na naglalakad sa isang eskinita bandang 1:25 p.m., tumawid sa Atherton Street makalipas ang apat na minuto, at huling nakita sa isang gasolinahan bandang 1:37 p.m. Gayunman, wala siyang bakas sa mall na dapat sana niyang pinuntahan. 

“Nag-review po kami ng mga CCTV sa Fairview Center Mall, at least tatlong CCTV footages, pero wala po,” ani Mark. 

Nakaplano na ang lahat para sa kasal — mula sa entourage, sponsors, venue, reception, hanggang giveaways — ngunit napilitan si Mark na kanselahin ang seremonya upang ituon ang lahat ng oras sa paghahanap sa kanyang fiancée. 

“Kung sinuman po ang may hawak sa kanya, please lang po, pakiusap po, paki ingatan po. Huwag nyo po sasaktan. Sana ibalik nyo po sa amin nang maayos po,” pakiusap niya. 

Nagpaskil si Mark ng mga larawan ni Sherra at contact numbers sa social media at mga pader sa komunidad. Nag-alok din siya ng ₱20,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon. 

“We are offering a P20,000 reward for any reliable information that can help lead us to the whereabouts of my fiancée, Sarah (Sherra) de Juan,” ayon sa kanyang Facebook post. 

(Nag-aalok kami ng ₱20,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng aking fiancée, Sarah (Sherra) de Juan.)

Dagdag pa ni Mark, wala silang anumang alitan bago ang pagkawala ni Sherra. Sa halip, inilarawan niya ang nobya bilang taong nagbago sa kanyang buhay. 

“Siya lang talaga yung nagpabago sa akin, sir. Siya yung nagtiyaga sa ugali ko,” aniya. 

Maging ang mga kapatid ni Sherra ay hindi makapaniwala sa nangyari. 

“Ito sana yung araw na pinakamasaya para sa iyo dahil first time sa magkakapatid natin na may ikakasal, pero ito kami ngayon, naghahanap sa iyo,” sabi ng kapatid na si Darie De Juan. 

Isinailalim na sa pagsusuri ng Quezon City Police Station 5 ang cellphone ni Sherra upang makakuha ng posibleng lead. Patuloy ang panawagan ng pamilya at ng fiancé sa publiko na tumulong sa paghahanap. 

Ang sinumang may impormasyon ay maaaring makipag-ugnayan sa mga numerong 0967-1270-266, 0917-8368-166, o 0912-3353-694.

Habang lumilipas ang mga araw, nananatiling umaasa si Mark na muling makikita ang kanyang fiancée at matutupad pa rin ang kanilang pinapangarap na kasal.



(Larawan: Mark Arjay Reyes | Facebook)