Pulis sa Leyte bagsak sa drug test, sibak agad ang kaharap
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-15 10:59:38
December 15, 2025 - Inatasan ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pagsasagawa ng dismissal proceedings laban sa isang pulis sa Palompon, Leyte na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Ang naturang pulis, isang Police Corporal na nakatalaga sa Palompon Municipal Police Station, ay isinailalim sa targeted drug test noong Disyembre 5, at lumabas ang resulta noong Disyembre 13 na kumpirmadong gumagamit siya ng shabu.
Batay sa ulat, isinagawa ang pagsusuri matapos makatanggap ng impormasyon ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) noong Setyembre na sangkot umano ang naturang pulis sa paggamit ng droga. Matapos ang beripikasyon, naghanda ang IMEG ng Target Intelligence Packet na nagresulta sa pagsama ng pulis sa random drug testing ng Regional Field Unit 8.
“We will not tolerate any member of the police force who engages in illegal drug use. The PNP must remain steadfast in its commitment to rid its ranks of scalawags,” mariing pahayag ni Nartatez.
Inutusan ng PNP chief ang Internal Affairs Service (IAS) na magsampa ng kasong administratibo laban sa pulis, kabilang ang rekomendasyon para sa kanyang pagpapatalsik sa serbisyo. Binigyang-diin ni Nartatez na bahagi ito ng pinaigting na internal cleansing program ng organisasyon. “This is a clear violation of our oath and the trust reposed in us by the public. We will ensure that proper proceedings are undertaken to remove erring personnel,” dagdag niya.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa hamon ng paggamit ng droga sa loob ng hanay ng kapulisan, sa kabila ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga. Iginiit ng pamunuan na dapat manatiling malinis at kagalang-galang ang integridad ng mga tagapagpatupad ng batas.
“We will continue to conduct targeted operations and random drug tests to ensure that our ranks remain clean and trustworthy,” ani Nartatez.
