‘Backdoor routes,’ bantay sarado ng PNP — POGO, nababalitang naga-alsa balutan patungong ibang bansa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-15 20:37:33
DISYEMBRE 15, 2025 — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga baybayin at borders ng bansa matapos lumabas ang ulat na ginagamit ng mga sindikato ang tinaguriang “backdoor routes” upang ilipat ang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations sa ibang bansa.
Ayon kay Acting PNP chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga unit sa rehiyon at pambansang antas na magpatupad ng mas mahigpit na presensya, surveillance, at intel operations sa mga rutang posibleng samantalahin ng mga kriminal.
“We are working with the intelligence community and our foreign counterparts in relation to this information. But I have already instructed concerned police officers to intensify patrols along backdoor routes that may be exploited by syndicates to continue their illegal POGO operations,” pahayag ni Nartatez.
(Nakikipagtulungan kami sa intelligence community at sa mga dayuhang counterpart kaugnay ng impormasyong ito. Ngunit inatasan ko na ang mga pulis na higpitan ang pagbabantay sa mga backdoor routes na maaaring gamitin ng mga sindikato para ipagpatuloy ang kanilang ilegal na POGO operations.)
Batay sa mga ulat, ginagamit umano ang mga daang-dagat mula Palawan patungong Sabah, na sinusundan ng biyahe sa lupa sa Malaysia, bago makarating sa mga destinasyong gaya ng Myawaddy sa Myanmar at Phnom Penh sa Cambodia.
Binanggit ni Nartatez na nananatiling alerto ang PNP sa mga bagong taktika ng mga sindikato, partikular na sa mga kasong may kaugnayan sa human trafficking, panloloko, at iba pang transnational crimes. Dagdag pa niya, patuloy na sinusuri ng mga intelligence unit ang mga ulat upang matukoy ang mga nasa likod ng operasyon.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na palalakasin ang koordinasyon sa mga dayuhang law enforcement agencies upang beripikahin ang posibleng POGO-linked activities sa labas ng bansa at mapigilan ang pagkakasangkot ng mga Pilipino sa mga sindikatong transnasyonal.
Ang hakbang na ito ay kaugnay ng pagpapatupad ng Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, na nagdeklara ng offshore gaming bilang ilegal at nagpatibay sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga grupong kriminal na nakikinabang sa naturang industriya.
(Larawan: Philippine News Agency)
