Libo-libong vape dinurog ng BIR sa crackdown sa smuggling
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-15 17:53:21
December 15, 2025 — Sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang libo-libong iligal na vape products na may kabuuang tax liability na P1.34 bilyon sa kanilang national office sa Quezon City. Ang mga produkto ay nakumpiska sa iba’t ibang anti-illegal operations ng ahensya laban sa mga negosyanteng hindi nagbabayad ng tamang buwis sa mga excisable goods.
Ginamit ng mga awtoridad ang compactor at spray paint upang tuluyang masira ang mga vape cartridges, pods, at iba pang sangkap. Ayon sa BIR, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling at pagbebenta ng mga produktong walang kaukulang tax stamps.
“This destruction is being carried out in accordance with Sections 224, 225, and 279 of the Tax Code, as implemented under Revenue Regulations Nos. 14-2024 and 16-2024, and other related BIR issuances governing the seizure, forfeiture, and disposal of excisable goods,” pahayag ng ahensya.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang operasyon ay malinaw na mensahe laban sa mga lumalabag sa batas. “We will not allow illicit trade to thrive. These products are not only illegal but also deprive the government of much-needed revenues,” aniya. Dagdag pa ng BIR, ang mga negosyanteng sangkot ay nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Bukod sa Quezon City, nagsagawa rin ng kaparehong disposal ang BIR sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Visayas kung saan tinatayang 15,000 vape products ang winasak sa isang pasilidad sa Liloan, Cebu. Ang mga cartridges na naglalaman ng liquid solution ay binuksan upang maayos na ma-dispose ang mga kemikal, alinsunod sa environmental safety protocols.
Binanggit ng BIR na ang mga vape products ay kabilang sa mga excisable goods na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan. Ang hindi pagbabayad ng buwis sa mga ito ay lumilikha ng malaking revenue loss para sa gobyerno. “We are serious in our campaign against illicit trade. This is part of our intensified enforcement to protect legitimate businesses and ensure fair competition,” dagdag ni Lumagui.
Ang pagsira sa mga nakumpiskang produkto ay naglalayong ipakita na hindi na muling magagamit o maibebenta ang mga ito sa merkado. Sa pamamagitan ng paggamit ng compactor at spray paint, tiniyak ng BIR na ang mga vape ay tuluyang mawawala sa sirkulasyon.
