Bicam talks para sa 2026 budget, naudlot! 'deadlock' sa DPWH budget, sanhi ng sigalot
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-15 19:42:05
DISYEMBRE 15, 2025 — Naudlot ang pagpapatuloy ng bicameral conference committee nitong Lunes matapos sumabog ang tensyon sa pagitan ng Senado at Kamara kaugnay ng P45-bilyong bawas sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026 national budget na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon.
Ayon kay Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian, kinailangan nilang ipagpaliban ang pulong matapos ang caucus ng mga senador. Ang dahilan: hindi magkasundo ang dalawang kapulungan kung dapat ibalik o panatilihin ang malaking kaltas sa DPWH budget.
Mariing naninindigan ang Senado na tama ang kanilang desisyon na bawasan ang pondo batay sa datos mismo ng DPWH hinggil sa Construction Materials Price Data (CMPD). Sa kanilang pagsusuri, overpriced ang ilang materyales kaya’t inapply nila ang adjustment factor sa lahat ng proyekto.
Ngunit iginiit ng DPWH, sa pamumuno ni Secretary Vince Dizon, na mali ang “across-the-board” na pagbawas. Aniya, dapat per-project ang aplikasyon ng CMPD dahil nag-iiba ang presyo ng materyales depende sa lokasyon.
Nagbabala naman ang Kamara na kung ipipilit ang kaltas, aabot sa 10,000 proyekto na may halagang tinatayang ₱400 bilyon ang hindi maisasakatuparan.
Sa panig ng Senado, naniniwala silang hindi sila nagkamali.
“Hindi kami nagkamali dahil nanggaling sa kanila yung computation. Inapply lang namin,” wika ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, layunin ng Senado na alisin ang anumang overpricing sa budget.
“Ang Senado kasi, very firm na ayaw ng overpriced materials. Yun ang firm. Pero ayaw rin natin hindi ma-implement yung projects,” aniya.
Samantala, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hindi dapat ibalik ang tinapyas na pondo. Ayon sa kanya, ang mismong DPWH ang nagbigay ng datos na naging batayan ng Senado. Kung may mali, aniya, dapat aminin ng ahensya.
Sa kabilang banda, nanindigan si House Appropriations Chair Mikaela Suansing na mali ang naging aplikasyon ng Senado sa CMPD, dahilan upang magkaiba ang pananaw ng dalawang kapulungan.
Matatandaang sa ikalawang araw ng bicam ay personal na dumalo si Dizon upang hilingin ang pagbabalik ng P45-bilyong tinapyas. Ipinunto niya ang halimbawa ng dalawang asphalt overlay projects sa Mimaropa at Central Visayas, kung saan bumagsak nang husto ang alokasyon matapos gamitin ng Senado ang adjustment factor.
Sa bersyon ng Kamara, ang proyekto ay may halagang ₱41 milyon. Sa bersyon ng Senado, bumaba ito sa ₱12.9 milyon o 68 porsyento. Ayon kay Dizon, ang adjustment ay dapat nakatuon lamang sa presyo ng materyales, hindi sa kabuuang gastusin ng proyekto.
Kung hindi agad maresolba ang banggaan, nanganganib na maantala ang pagpasa ng pambansang budget. Gayunman, tiniyak ni Gatchalian na may buffer days pa at target nilang tapusin ang usapin bago mag-Miyerkules.
Bagama’t aminado siyang lumiit na ang oras, nananatili siyang positibo na matatapos ang bicam deliberations bago sumapit ang deadline.
Samantala, binatikos ni Senador Jinggoy Estrada ang pagdalo ni Dizon sa bicam.
Aniya, “For me, that was an unprecedented move by the contingent of the House and the contingent of the Senate to invite a Cabinet official in the Bicam Conference Committee. Never in the history. I have attended a lot of Bicam Conference Committee regarding the budget.”
(Para sa akin, iyon ay isang hindi pangkaraniwang hakbang ng Kamara at Senado na imbitahan ang isang Cabinet official sa Bicam Conference Committee. Sa kasaysayan ng aking pagdalo sa maraming bicam, ngayon ko lang nakita ito.)
Sa ngayon, nananatiling nakabinbin ang usapin. Ang Senado ay matibay sa kanilang paninindigan laban sa overpriced items, habang ang DPWH at Kamara ay iginiit na hindi maisasakatuparan ang libu-libong proyekto kung hindi ibabalik ang tinapyas na pondo.
Ang bicam hearing ay pansamantalang sinuspinde, at ang kapalaran ng 2026 national budget ay nakasalalay sa kung paano malulutas ang banggaan sa DPWH allocation.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
