Discaya malayang umalis sa NBI habang warrant hinihintay
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-16 08:12:53
December 15, 2025 — Sinabi ni NBI Acting Director Angelito Magno na hindi nila maaaring legal na pigilan si Sarah Discaya, isang kontratista na nasasangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects, dahil wala pang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanya. “Of course, since wala pang warrant of arrest, we cannot legally hold her,” ani Magno sa isang ambush interview.
Si Discaya ay kusang-loob na sumuko sa NBI noong nakaraang linggo matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na inaasahang ilalabas ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental. Ayon sa kanyang kampo, ang pagsuko ay isang “strategic legal move” at hindi pag-amin ng pagkakasala.
Sa kasalukuyan, nananatili si Discaya sa loob ng NBI premises ngunit malaya siyang umalis anumang oras. Ipinaliwanag ni Magno na kung sakaling maglabas ng warrant ang regional trial court, agad itong ipatutupad ng kanilang mga operatiba. “If ever it will come out, we will serve the warrant. It will be booked, fingerprinted, and processed accordingly,” dagdag niya.
Batay sa mga dokumento ng Ombudsman, si Discaya at ang kanyang mga ka-akusado ay kinasuhan ng graft at malversation dahil sa flood control project na ipinagkaloob sa St. Timothy Construction Corp., kumpanyang pag-aari ng pamilya Discaya. Bagama’t idineklara itong “completed” noong Oktubre 2022, natuklasan na hindi naman ito naipatupad.
Ayon sa abogado ni Discaya, si Cornelio Samaniego III, wala pang opisyal na warrant na inilalabas laban sa kanyang kliyente. “As far as we know, no warrant has been released yet. Until a warrant is issued, she is not under the voluntary custody of the NBI,” pahayag niya.
Samantala, nananatiling bantay-sarado ang kaso dahil sa bigat ng alegasyon at sa pahayag ng Pangulo na dapat papanagutin ang mga sangkot sa anomalya. Sa ngayon, nakatutok ang publiko sa magiging desisyon ng korte kung maglalabas na ng warrant of arrest laban kay Discaya.
