La Salle-Zobel at Arandia, Nagrambulan sa NBTC Semifinals
Systems Administrator Ipinost noong 2025-01-08 18:52:25
Nagkagulo ang semifinal match ng National Basketball Training Center (NBTC) Local Qualifying Tournament sa Las Piñas noong Linggo, kung saan nagkaroon ng pisikal at verbal na rambulan hindi lamang sa pagitan ng mga manlalaro ng La Salle-Zobel at Arandia College, kundi pati na rin ang ilang magulang.
Isang opisyal mula sa Philippine Basketball Association (PBA) ang sinasabing nasangkot sa insidente.
Ang gulo ay nagsimula sa natitirang 61 segundo ng laro, kung saan lamang ang De La Salle Zobel (DLSZ), 89-78. Tinawagan ng unsportsmanlike foul si Kieffer Alas ng Junior Archers, na naging mitsa ng pagtatalo at sagutan sa pagitan ng mga manlalaro ng Arandia College at mga magulang mula sa panig ng DLSZ.
Ayon sa kuha ni Ka-Diskurso Cheska Dela Cruz, lalong lumala ang sitwasyon nang sumiklab ang rambulan sa court at nagkainitan ang mga magulang at miyembro ng parehong koponan. Dahil dito, napilitang itigil ang laro, at idineklara ang DLSZ bilang panalo.
Sa kabila nito, pinag-aaralan pa ng mga organizer ang mga posibleng parusa laban sa mga sangkot sa gulo. Samantala, ang championship game ng DLSZ kontra AMA Basic Education ng Las Piñas ay itinakda ngayong weekend ngunit isasagawa sa closed doors para sa kaligtasan ng lahat.
Naglabas na rin ng pahayag ang NBTC na mariing kinokondena ang insidente. Inatasan nila ang organizer ng torneo, ang LPM Basketball League, na magpataw ng kaukulang parusa sa mga nasangkot.
Screenshot mula sa na-delete na livestream ng laro ng NBTC
