Diskurso PH
Translate the website into your language:

Creamline, 8-0 Na Matapos Manalo Kontra Cherry Tiago

Ipinost noong 2025-02-07 14:55:08 Creamline, 8-0 Na Matapos Manalo Kontra Cherry Tiago

Noong Pebrero 7, 2025, tila walang makakapigil sa Creamline Cool Smashers matapos makapagtala ng 8-0 record. Ito ay matapos nilang talunin ang Chery Tiggo Crossovers sa straight sets (25-17, 25-17, 25-20) sa PhilSports Arena sa Pasig City. Muli nilang ipinakita kung bakit sila ang koponang dapat abangan ngayong season, gamit ang kanilang matatag na depensa at walang kapagurang opensa.

Mula pa lang sa unang set, kontrolado na ng Creamline ang laro, ipinakita nila ang kanilang matibay na floor defense. Bukod dito, hindi na nakahanap ng solusyon ang Chery Tiggo upang pigilan ang mabilis na atake ng Cool Smashers. Sa ikalawang set, nagpatuloy ang dominasyon ng Creamline gamit ang kanilang balanced offensive strategy. Sa ikatlong set naman, nagpakita ng laban ang Crossovers—naitabla pa nila ang iskor sa 20-all at tila nakahanap ng momentum. Gayunpaman, mabilis na bumawi ang Cool Smashers. Sa huling sandali, kumamada sila ng 5-1 run upang tapusin ang laban at tiyakin ang kanilang panalo.

Pinangunahan ni Bea de Leon ang Creamline, nagpapakitang-gilas sa opensa at depensa. Umiskor siya ng 13 puntos mula sa kombinasyon ng attacks, blocks, at aces. Hindi rin nagpahuli si Jema Galanza, na nag-ambag ng 9 puntos, habang sina Jeanette Panaga at Tots Carlos ay may tig-8 puntos. Sa huling rally ng laban, isang matinding kill mula kay Alyssa Valdez ang nagselyo ng panalo para sa Cool Smashers.

Ayon kay Bea de Leon, malaking factor ang teamwork sa kanilang panalo. “With the help of my teammates, we all wanted the same thing. Especially when we were up by two sets, we pushed even harder to finish it in three. With my teammates’ support, anything is possible,” ani de Leon.

Sa kabila ng pagkatalo, si Ara Galang ang naging star player para sa Chery Tiggo, matapos makapagtala ng 14 puntos—ang tanging Crossovers player na umabot sa double digits. Subalit, hindi ito naging sapat para sa grupo, lalo na matapos nilang matikman ang kanilang pangalawang sunod na talo, na nagdala sa kanila sa 5-5 standing.

Ayon kay Coach Sherwin Meneses, natutuwa siya sa ipinakita ng kanyang koponan. “Of course, it is a big thing to have this win. We are happy to win via sweep. In our previous games, we usually relax in the third set. I am grateful to witness the team work together, especially in the third set. So we won via sweep,” ani Meneses.

Hindi lang sa opensa nagpakitang-gilas ang Creamline kundi pati sa overall game stats. Nalamangan nila ang Chery Tiggo sa spiking (47-33) at service aces (6-1), patunay ng kanilang dominasyon sa laban.

Dahil sa panalong ito, nananatili silang perfect sa 8-0 record at patuloy na lumalakas ang kanilang tiyansa na makuha ang kampeonato. Ang susunod nilang laban ay kontra Farm Fresh sa Pebrero 11, habang ang Chery Tiggo naman ay haharapin ang Choco Mucho sa Pebrero 22 sa Iloilo.

Patuloy ang pag-arangkada ng Cool Smashers, at mukhang wala pang makapipigil sa kanilang winning streak!

Larawan mula sa PVL Photo