Philadelphia Eagles, Kampeon sa Super Bowl LIX Matapos Talunin ang Chiefs
Ipinost noong 2025-02-10 14:20:47
Nagtagumpay ang Philadelphia Eagles sa Super Bowl LIX noong Linggo, Pebrero 9, sa New Orleans, matapos nilang talunin ang Kansas City Chiefs sa iskor na 40-22, pinigilan ang kanilang pag-asang makuha ang isang pambihirang three-peat championship.
Ang matagal nang inaabangang rematch na ito ay naganap dalawang taon matapos ang makapigil-hiningang laban sa Super Bowl LVII, kung saan nanalo ang Chiefs laban sa Eagles sa iskor na 38-35.
Nahihirapan ang Chiefs na makakuha ng momentum sa unang kalahati ng laro dahil sa matatag na depensa ng Eagles, dahilan upang makapagtala ang Philadelphia ng 24 sunod-sunod na puntos. Dalawang beses na na-intercept ang pasa ni quarterback Patrick Mahomes at nakaranas din siya ng magkasunod na sacks.
Samantala, nagsimula ang Eagles sa isang rushing touchdown mula kay quarterback Jalen Hurts, sinundan ng isang interception return touchdown mula kay cornerback Cooper DeJean, at isang touchdown mula kay wide receiver A.J. Brown bago matapos ang first half.
Pagkatapos ng makapigil-hiningang halftime show ni Kendrick Lamar, na may espesyal na pagganap nina Samuel L. Jackson, SZA, at Serena Williams, patuloy na nahirapan ang Chiefs na makuha ang kanilang ritmo. Nakapuntos sila ng isang touchdown sa third quarter, ngunit hindi pa rin nila mahabol ang Eagles, na nagdagdag ng 10 pang puntos.
Bagama’t nakapagtala ang Chiefs ng dalawang huling touchdowns sa fourth quarter, hindi pa rin nila naabutan ang lamang ng Philadelphia. Gayunpaman, nagawa ni Chiefs tight end Travis Kelce, na kasalukuyang karelasyon ni Taylor Swift, na malagpasan si Hall of Famer Jerry Rice bilang may pinakamaraming Super Bowl receptions sa kasaysayan.
Samantala, gumawa rin ng kasaysayan si Eagles running back Saquon Barkley nang basagin niya ang single-season rushing record—at sa mismong ika-28 kaarawan niya.
Naging makasaysayan din ang laban dahil ito ang unang pagkakataon na dumalo ang isang nakaupong pangulo sa Super Bowl, kung saan inihayag ni Pangulong Donald Trump ang kanyang prediksyon na mananalo ang Chiefs.
Itinanghal na Super Bowl MVP si Jalen Hurts sa edad na 26, matapos niyang makuha ang kanyang unang championship ring. Ang tagumpay na ito ay ang pangalawang Super Bowl title ng Eagles at ang kanilang ikalimang kabuuang kampeonato sa NFL, kasama ang tatlong titulo mula sa pre-Super Bowl era.
Ang huling beses na nanalo ang Eagles sa Super Bowl ay noong 2018 sa Super Bowl LII, kung saan tinalo nila ang New England Patriots sa iskor na 41-33.
Ang panalo ng Eagles ngayong taon ay may pagkakahawig sa kanilang tagumpay laban sa Patriots sa Super Bowl LII. Sa parehong pagkakataon, kanilang tinalo ang isa sa pinakamalalakas na koponan sa NFL. Noong 2018, may limang kampeonato na ang Patriots, habang sa taong ito, pinigilan ng Eagles ang Chiefs na makuha ang kanilang ikalimang titulo (at pang-apat mula noong 2020).
Kagaya ng season na ito, ang Super Bowl LII ay isa ring rematch, dahil una nang natalo ng Patriots ang Eagles sa Super Bowl XXXIX noong 2005—panahon kung kailan si Andy Reid, na kasalukuyang head coach ng Chiefs, ang namumuno sa Philadelphia.
Ang landas ng Eagles patungong Super Bowl LIX ay puno ng tagumpay, matapos nilang dominahin ang NFC East na may 14-3 record, na nagbigay sa kanila ng second seed sa conference. Kanilang dinaig ang Green Bay Packers, Los Angeles Rams, at ang kanilang division rivals na Washington Commanders upang makapasok sa championship game.
Sa kabilang banda, nagtapos ang Chiefs sa isang kahanga-hangang 15-2 record sa regular season, na nagbigay sa kanila ng top seed sa AFC at isang first-round bye. Pinataob nila ang Houston Texans at, sa ika-apat na pagkakataon sa loob ng limang taon, tinalo ang Buffalo Bills—bagama’t hindi naiwasan ang kontrobersiya sa ilang tawag ng mga opisyal.
Sa huli, nakuha ng Eagles ang huling halakhak sa Big Easy, bumawi sa koponang kilala sa kanilang mahuhusay na playoff comebacks. Sa pagkakataong ito, ang Kansas City ang umuwing bigo.
