Bella Belen, Kumpirmadong Huling Season na sa NU Lady Bulldogs
Ipinost noong 2025-02-13 20:56:31
Sa isang press conference na bahagi ng ika-87 na season ng UAAP Women’s Volleyball Tournament na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kinumpirma ni Bella Belen na ito na ang kanyang huling taon bilang manlalaro ng NU Lady Bulldogs.
Bilang isang two-time UAAP MVP at two-time champion, nais niyang tapusin ang kanyang collegiate career sa pinakamagandang paraan—ang makuha ang back-to-back championship para sa kanyang koponan.
"Sobrang excited ako to play ngayon kasi this is my final year na nga with NU, and siyempre, gusto namin mag-back-to-back," ani Belen sa press.
Hindi rin maikakaila ang pressure sa NU, lalo na kay Belen.
"Hindi namin siya nagawa nung [Season] 85, so ngayon mas iba 'yung mindset ng team, kasi mas mahirap mag-defend ng crown kaysa umagaw ng crown."
Sa kabila ng kanyang inaasahang paglipat sa pro ranks, nilinaw ni Belen na naka-focus pa rin siya sa UAAP.
"Ako po kasi, personally, hindi ko pa po siya masyadong naiisip, like kung ano 'yung dapat kong i-perform sa pro. 'Yung mindset ko po ngayon is UAAP muna. Tatapusin ko muna 'yung UAAP season ko with NU nang maganda," sambit niya. Dagdag pa niya, "Tsaka ko na iisipin 'yung future. Sa present muna ako nag-iisip."
Sa ilalim ng bagong head coach na si Sherwin Meneses, nasa title defense mode ang Lady Bulldogs. Matindi ang kompetisyon ngayong season, kaya’t malaking hamon para sa kanila ang mapanatili ang kanilang dominasyon sa liga. Alam nilang mas gutom ang ibang teams na maagaw ang korona, kaya kailangang doblehin ang kanilang pagsisikap.
Isa sa pinakamalakas na pwersa ng NU ay ang kanilang chemistry. Dahil matagal nang magkakasama sina Belen, Alyssa Solomon, Erin Pangilinan, Sheena Toring, Vange Alinsug, at Lams Lamina, may natural na koneksyon na sila sa loob ng court. Alam nilang kailangang higitan pa ang kanilang performance noong nakaraang season upang manatili sa tuktok.
Para kay Belen at sa NU Lady Bulldogs, isang makasaysayang season ang paparating—isang pagkakataon upang ipakita ang kanilang tatag at determinasyon bilang defending champions. At para kay Bella Belen, ito ang huling pagkakataon upang bigyang-pugay ang kanyang collegiate career sa pamamagitan ng isa pang kampeonato.
Larawan: UAAP Media
