Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bennyqt, Opisyal Nang Umalis sa Team Liquid Philippines

Ipinost noong 2025-02-15 16:46:05 Bennyqt, Opisyal Nang Umalis sa Team Liquid Philippines

Matapos ang samu’t saring rumors, tuluyan nang tinuldukan ang usap-usapan matapos opisyal na maghiwalay ng landas sina Bennedict "Bennyqt" Gonzales at Team Liquid Philippines. Natapos ang kanilang partnership matapos ang apat na taon. Bilang dating gold laner ng koponan, isa si Bennyqt sa mga pinakamalalaking pangalan sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) scene, kaya’t inaabangan ng marami ang kanyang susunod na hakbang.

Sa ilalim ng Team Liquid/ECHO, isa si Bennyqt sa mga pinaka-maimpluwensyang manlalaro sa MLBB esports. Kabilang sa kanyang mga tagumpay ang dalawang MPL Philippines titles (Season 10 at Season 13) at ang pagiging bahagi ng koponang nagwagi sa M4 World Championship. Bukod dito, siya rin ang itinanghal na Finals MVP sa M4 matapos ang kanyang kahanga-hangang performance sa grand finals.

Gayunpaman, hindi naging madali ang huling bahagi ng kanyang pananatili sa Team Liquid PH. Matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa M4, hindi na nila nagawang sundan ito ng panibagong international title. Hindi rin sila pinalad sa MSC 2024 at nabigo silang makapasok sa playoffs ng MPL Philippines Season 14—isang malaking dagok sa koponan.

Bago sumikat sa Team Liquid PH, nagsimula si Bennyqt sa Aura Philippines, kung saan unang napansin ang kanyang talento sa gold lane. Nang lumipat siya sa ECHO (ngayon ay Team Liquid PH), agad siyang naging isa sa mga pangunahing haligi ng koponan, nagdadala ng stability at explosive plays na tumulong sa kanilang pag-angat bilang isa sa pinakamalalakas na MLBB teams sa mundo.

Sa opisyal na pahayag ng Team Liquid PH, pinasalamatan nila si Bennyqt sa lahat ng kanyang naibahagi sa koponan.

“All good things come to an end, but legends never fade. Thank you, BennyQT, for the unforgettable plays, the championships, and the dedication you poured into this team. Your impact will always be a part of our story. You'll always have a home with us wherever your next journey takes you. Stay sharp, MVP,”

pahayag ng team sa kanilang opisyal na social media accounts.

Habang wala pang opisyal na anunsyo kung saan pupunta si Bennyqt, maraming espekulasyon ang kumakalat tungkol sa kanyang susunod na hakbang. Hindi siya isinama sa Team Liquid PH roster para sa MPL Philippines Season 15, at hanggang ngayon, wala pang team ang kumpirmadong kukuha sa kanya.

Sa kabila ng kanyang pag-alis, nananatiling positibo ang 23-anyos na gold laner at nagpapasalamat sa lahat ng kanyang naging karanasan sa Team Liquid PH. Habang sabik ang kanyang mga tagahanga sa kanyang susunod na hakbang, isa lang ang tiyak—hindi pa tapos ang kwento ni Bennyqt sa MLBB esports.

Larawan: MPL PH