Diskurso PH
Translate the website into your language:

NU Bulldogs, Bumangon Muli Matapos Daigin ang UE Red Warriors

Charles Joseph IngalIpinost noong 2025-03-02 10:48:11 NU Bulldogs, Bumangon Muli Matapos Daigin ang UE Red Warriors

NUEVA ECIJA, Marso 2, 2025 — Matapos malasap ang kanilang unang pagkatalo ngayong UAAP Season 87 Men's Volleyball Tournament, muling bumangon ang National University (NU) Bulldogs at ipinakita ang kanilang championship mentality. Pinadapa nila ang University of the East (UE) Red Warriors sa iskor na 25-20, 23-25, 25-23, 25-15 sa laban na ginanap noong Sabado sa MOA Arena sa Pasay.

Hindi naging madali ang laban para sa NU, lalo na matapos nilang ibigay ang second set at makipagsabayan ang UE sa third. Ngunit sa dulo, nanaig pa rin ang determinasyon ng Bulldogs para makuha ang kanilang ikatlong panalo sa season at maibalik ang kanilang winning ways.

Muling nagpakilala si Leo Ordiales bilang isa sa pinaka-maaasahang scorer ng NU matapos humakot ng 18 puntos mula sa 13 spikes, 4 blocks, at 1 ace. Kasama niya sa opensa si Michaelo Buddin, na may 16 puntos, 9 excellent receptions, at 5 digs, habang si Leo Aringo ay nag-ambag ng 15 puntos at 24 excellent receptions. Sa kabuuan, ipinakita ng Bulldogs ang kanilang matibay na net defense matapos dominahin ang blocking department, 17-4, laban sa Red Warriors.

Bagamat nakuha ng NU ang first set, kapansin-pansin ang mabagal nilang simula sa second at third set, na nagbigay ng pagkakataon sa UE na makipagsabayan. “Umpisa pa lang, kahit nakuha namin ‘yung first set, dama pa rin namin ‘yung nangyari nung last game namin. Even sa first practice namin after FEU, medyo mabigat,” aminado si coach Dante Alinsunurin tungkol sa epekto ng kanilang unang pagkatalo.

Dagdag niya ukol sa kanilang mabagal na simula ngayong season, “Buti na lang nung fourth set, nakita ko na nakabalik na kami kasi ‘yun naman talaga ‘yung gusto namin mangyari sa loob ng court.”

Muntik nang mahulog ang third set sa panig ng UE matapos umabot sa 23-all. Ngunit isang clutch quick spike mula kay Peng Taguibolos ang nagbigay ng set point para sa NU. Sinelyuhan naman ito ni Ordiales sa isang mabagsik na atake. Sa fourth set, tuluyan nang bumitaw ang Bulldogs at dinomina ang Red Warriors upang tapusin ang laro sa loob ng apat na set.

Bagamat masaya si team captain Leo Aringo sa panalo, aminado siyang marami pa silang kailangang ayusin. “Sa susunod, gagawin pa namin ‘yung kailangan pang i-improve kasi kita naman sa game kanina, may mga pagkukulang. Start lang ulit kami sa training para punan ‘yung mga pagkukulang,” aniya.

Sa kasalukuyan, hawak na ng NU ang 3-1 record, kasabay ng University of Santo Tomas (UST) sa ikalawang puwesto. Susunod nilang haharapin ang UP Fighting Maroons, kung saan sisikapin nilang mapanatili ang kanilang momentum at patunayan na isa pa rin silang powerhouse team.

Larawan: UAAP Photo