Coach Yeng Guiao, Galit na Galit sa Referees Matapos Ang Kanilang Pagkatalo
Ipinost noong 2025-03-06 10:16:42
NUEVA ECIJA, March 6, 2025 — Bakas sa mukha ni Elasto Painters coach Yeng Guiao ang matinding emosyon matapos ang kanilang 93-85 pagkatalo sa TNT Tropang Giga. Bahagi ito ng Game 4 ng PBA Season 49 Commissioner's Cup semifinals na ginanap noong Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum. Sa post-game interview, hindi niya napigilan ang kanyang inis at diretsahang sinisi ang officiating sa kanilang kabiguan.
"The referees messed it up for us," mariing sabi ng 65-anyos na beteranong coach. Ayon kay Guiao, halos sampung puntos ang nawala sa kanila dahil sa mga mali o hindi natawag na foul sa crucial moments ng laro. Dahil sa talong ito, lumamang na ng 3-1 ang TNT sa serye at isang panalo na lang ang kailangan para makapasok sa finals.
Isa sa pinaka-kontrobersyal na eksena ay nangyari sa huling 2:56 ng fourth quarter. Sa isang sequence, mintis si RR Pogoy sa kanyang three-point attempt ngunit agad niyang naagaw ang bola mula kay Gian Mamuyac at umatake sa fastbreak. Ayon kay Guiao, hinila ni Pogoy si Mamuyac sa play na iyon. Subalit imbes na offensive foul, napunta ang tawag kay Deon Thompson matapos nitong mabangga si Kelly Williams sa ilalim.
"And it’s such a crucial game, kasi sa tingin ko, you win this, you change the whole momentum of the series—for us," giit ni Guiao. Dahil sa tawag na iyon, lumamang ng 84-76 ang TNT at hindi na nakabangon pa ang Rain or Shine.
Isa pang ikinagalit ni Guiao ay ang tinawag na traveling violation kay Rey Nambatac. Idinagdag niyang nagresulta ito sa fastbreak points para sa TNT. Dagdag pa rito, may hindi rin natawag na foul kay Andrei Caracut sa first half, na ayon kay Guiao ay nagbigay muli ng puntos sa kalaban.
Bagamat matindi ang depensa ng TNT, umeksena si Deon Thompson at nagrehistro ng game-high 44 points. Ngunit bukod sa kanya, wala nang ibang nag-step up para sa Rain or Shine. Sina Anton Asistio at Keith Datu ay kapwa may tig-walong puntos lamang.
Sa kabilang banda, mas balanse ang naging opensa ng TNT, dahilan kung bakit nila kinontrol ang laro sa crucial moments. Ayon kay Guiao, mismong mga referee ang umamin sa kanilang pagkakamali. "Maski sila naman, sinasabi nila mali ang tawag na 'yon," aniya.
Sa ngayon, wala na silang magagawa kundi maghanda para sa Game 5 na gaganapin sa Biyernes. Ngunit aminado siyang mahirap ang sitwasyon. "Mahirap ‘yung dehado ka na, malakas ‘yung kalaban mo, tapos ‘yung mga calls, hindi mo pa makuha."
Malapit nang makabalik sa finals ang TNT, isa sa mga tradisyunal na contenders ng liga. Pero kung may isang coach na hindi susuko nang basta-basta, si Yeng Guiao na ‘yon.
Larawan: PBA Images
