PBA, sinuspinde si Larry Muyang dahil sa paglabag sa kontrata
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-04-15 19:46:20
April 15 - Sinampahan ng indefinite ban ng PBA si Larry Muyang matapos itong maglaro sa MPBL habang may bisa pa ang kontrata niya sa Phoenix Fuel Masters.
Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial ang parusa nitong Linggo, kasunod ng pakikipagpulong kay Muyang sa Ninoy Aquino Stadium kung saan naglaro ang Phoenix kontra Converge.
Ayon sa Phoenix management, may live contract pa si Muyang sa team na tatagal hanggang katapusan ng Mayo. Sa kabila nito, nakitang naglaro ang 6-foot-6 na big man para sa Pampanga Giant Lanterns sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Batay sa website ng MPBL, tatlong laro na ang nalalaruan ni Muyang, kabilang ang laban kontra Manila Batang Quiapo kung saan nagrehistro siya ng 35 puntos, 12 rebounds, 2 assists, at 1 steal.
Inamin ni Marcial na humingi ng tawad si Muyang, ngunit nilinaw din niyang maaaring humantong sa demanda ang kaso kung magpasya ang Phoenix na magsampa ng legal na aksyon.
“Banned ang status niya sa PBA. Puwede siyang i-demanda ng Phoenix,” wika ni Marcial. “May mga personal siyang pinagdadaanan pero kahit ganun, may kontrata pa rin siya sa Phoenix na kailangang sundin.”
Nilinaw ng PBA na kahit magkaayos sina Muyang at Phoenix, kailangan pa rin nitong umapela sa Board of Governors bago makabalik sa liga, alinsunod sa bagong patakaran sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa kontrata.
Si Muyang ay draft pick ng Phoenix noong 2020 bilang ika-pitong overall pick.