Cycling: 4 Foreign Teams, Sasabak sa Tour of Luzon
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-04-17 12:00:14
April 17 — Sumali ang apat na foreign teams sa nalalapit na pagbabalik ng multi-stage road race na Tour of Luzon, na itinuturing ngayong “Great Revival” ng Philippine cycling.
Makakasagupa ng 12 Philippine continental at club squads ang mga team mula Hong Kong (CCN Factory HK), Malaysia (Malaysia Pro Cycling), Taiwan (Bryton Racing Team), at South Korea (Gapyeong Cycling Team) sa walong yugto ng karera na sisimulan sa Abril 24 sa Paoay, Ilocos Norte.
“Hindi pa tayo bahagi ng UCI calendar, pero ramdam ang excitement ng mga dayuhan,” wika ni Patrick “Pató” Gregorio, presidente ng DuckWorld PH, ang pangunahing organizer ng Tour of Luzon na suportado ng Metro Pacific Tollways Corporation sa pangunguna ni Arrey Perez.
Magiging hamon sa mga banyagang bisita ang mga kilalang koponang Pilipino gaya ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, Standard Insurance, Go For Gold, at Victoria Sports Pro Cycling Team — pawang UCI continental teams.
Kasama rin sa mga kasaling domestic squads ang PH National U-23–Tom N Toms Coffee, Excellent Noodles, DReyna Orion Cement, Dandez T-Prime Cycling Team, Exodus Army, MPT Drive Hub Cycling Team, 1 Team Visayas, One Cycling Mindanao, at Team Pangasinan.
Bilang pagtanaw sa pamana ng Le Tour de Filipinas, dating UCI race ng bansa sa loob ng isang dekada, muling pinanday ang Tour of Luzon upang buhayin ang lokal na karera sa bisikleta.
Tatanggap ng ₱1 milyon ang kampeon sa team classification, habang ₱500,000 naman ang mapupunta sa individual champion.
Magtatapos ang tour sa Queen Stage mula Lingayen patungong Camp John Hay sa Baguio City, matapos ang pitong yugto kabilang ang team at individual time trials.
