Judge dinismiss ang kaso laban kay Ja Morant, self-defense ang naging basehan sa 2022 na insidente
Ipinost noong 2025-04-24 15:05:10
April 24, 2025 — Ibinasura ng isang hukom sa Shelby County ang civil lawsuit laban kay NBA star Ja Morant, matapos niyang ideklarang kumilos si Morant bilang self-defense sa nangyaring alterkasyon noong 2022 sa isang pickup basketball game.
Sa ruling nitong Lunes, sinabi ni Shelby County Circuit Judge Carol Chumney na si Morant, na dalawang beses nang naging NBA All-Star, ay may civil immunity ayon sa batas ng Tennessee matapos niyang suntukin sa mukha ang noo’y 17-anyos na si Joshua Holloway. Si Holloway, na ngayon ay college player para sa Samford University, ay nagsampa ng demanda laban kay Morant at sinabing inatake siya nito habang naglalaro sila sa bahay ng mga magulang ni Morant noong Hulyo 2022.
Ayon sa kampo ni Morant, si Holloway raw ang unang naging agresibo nang ihagis niya ang bola "with force and intent" sa mukha ni Morant habang nagka-check-ball—isang karaniwang gawain sa pickup games. Sa kanyang testimonya noong Disyembre 2023, sinabi ni Morant na natakot siyang masaktan nang mabangga siya ni Holloway, binilugan ang kamao, at humanda sa posisyong parang makikipagsuntukan, kaya’t napilitang manuntok si Morant.
Binanggit ni Judge Chumney ang “stand your ground” law ng Tennessee, na nagbibigay ng legal na proteksyon sa isang taong gumagamit ng makatwirang puwersa bilang depensa habang nasa sariling property. Karaniwang ginagamit ito sa criminal cases, pero pinayagan ng hukom na gamitin ito sa civil case na ito. Noong Abril 2024, nagdesisyon na rin si Chumney na may presumptive immunity si Morant, kaya si Holloway ang kailangang magpatunay na hindi ito dapat umiral.
Tumestigo rin si Holloway at iginiit na si Morant ang naging agresibo at sobra ang paggamit ng puwersa. Pero hindi pinaniwalaan ng korte ang kanyang bersyon, na taliwas sa iba pang mga saksi. Isa na rito si dating NBA player Mike Miller na nandoon sa lugar nang mangyari ang insidente. Aniya, ang paghagis ni Holloway ng bola sa mukha ni Morant ang “kind of started everything.”
Sa kanyang ruling, hinimok ni Judge Chumney ang parehong atleta na gampanan ang kanilang papel bilang mga huwaran sa sports. “This Court sincerely hopes that moving forward they each will be able to spend more of their time on the ‘court’ and less at the ‘courthouse,’” sulat niya.
