NBA: Sochan, positibo ang pananaw sa kinabukasan ng Spurs kahit walang Popovich
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-08 10:07:22
May 7 - Nagpahayag ng kumpiyansa si San Antonio Spurs forward Jeremy Sochan sa magiging kinabukasan ng kanyang koponan kahit pa opisyal nang bumaba si legendary coach Gregg Popovich bilang head coach.
Sa panayam nitong Miyerkules habang nasa Pilipinas para sa NBA Rising Stars Invitational: Philippines Qualifiers, sinabi ni Sochan na nakikita niyang umuunlad ang Spurs at inaasahang makakapasok na sa playoffs sa susunod na season.
“Step up talaga para sa amin ang season na ‘to. Next season, goal naming makapasok sa playoffs at marating kung hanggang saan man kami dalhin,” ani Sochan, na nagpahayag din ng kagustuhang patuloy na umunlad bilang manlalaro at lider ng koponan.
Bago matapos ang 2024-25 NBA season, nagtala ng 34-48 record ang Spurs — ang kanilang pinakamaraming panalo sa loob ng tatlong taon matapos ang dalawang sunod na 22-60 seasons.
Bagamat hindi pa rin nakaabot sa playoffs sa ikaanim na sunod na taon, sinabi ni Sochan na nag-mature na ang kanilang grupo sa pangunguna nina Victor Wembanyama at NBA Rookie of the Year Stephon Castle, kasama ang mga beterano gaya nina Chris Paul, De’Aaron Fox, at Harrison Barnes.
“Every year has been better. We're trending up,” wika ni Sochan. “Sobrang excited kami sa loob ng team.”
Ngayong wala na si Popovich bilang head coach matapos ang 29 taon, hahawak sa timon si Mitch Johnson — isang matagal nang bahagi ng coaching staff at matagal nang kilala ni Sochan.
“Super blessed ako na naging coach ko si Pop. Para sa akin, siya ang greatest coach ever. Masaya ako na nandiyan pa rin siya bilang team president,” dagdag niya. “Excited din ako kay Coach Mitch. Matagal na naming kilala ang isa’t isa. He deserves this.”
