Diskurso PH

Boxing: Suarez, handang makipag-digmaan para sa korona ni Navarrete


Ace Alfred Acero • Ipinost noong 2025-05-10 12:32:47
Boxing: Suarez, handang makipag-digmaan para sa korona ni Navarrete

May 10 - Ipinangako ni Charly Suarez ang isang "all-out war" laban sa WBO super featherweight champion na si Emanuel Navarrete sa kanilang sagupaan ngayong gabi (bukas ng umaga sa Maynila) sa Pechanga Arena, San Diego.

Hindi alintana ang pagiging underdog, buo ang tiwala ng 36-anyos na si Suarez sa kanyang paghahanda at pananampalataya. Tinaguriang “King’s Warrior,” umaasa siyang gagabayan ng Diyos sa laban.

"With God’s grace," aniya, habang tinutukoy ang determinasyong ipapakita laban sa mas batang si Navarrete, 30, na 4-1 ang pabor sa mga pustahan.

Dati nang nagtagumpay si Suarez sa matitinding hamon, tulad ng pagkaka-knockout niya kay Paul Fleming noong 2023 sa Sydney sa huling round kahit dehado sa scorecards. Sa kanyang kasalukuyang kampanya, nagtala siya ng 132 rounds ng sparring at tatlong linggo nang nasa US para sa aklimatisasyon.

“Ready na si Charly,” ayon sa kanyang coach na si Delfin Boholst. “Hindi namin sasayangin ang pagkakataon.”

Ayon kay dating world title challenger Mig Elorde, may tsansang manalo si Suarez kung gagamitin nito ang kanyang teknikal na istilong amateur. “Medyo hirap si Navarrete sa ganoon. Malaki ang chance ni Charly,” ani Elorde.

Nagbabala si Elorde sa malalakas na uppercut ng Mehikano ngunit sinabi rin niyang laging bukas ito sa counterpunch. “Kailangan bantayan ang left upper sa katawan at mukha,” dagdag niya.

Bitbit ang 18-0 record na may 10 knockouts, determinado si Suarez na gulatin ang mundo at wakasan ang paghahari ni Navarrete (39-2, 22 KOs).