NBA Playoffs: Timberwolves, iniimbestigahan ang umano’y ‘racist abuse’ kay Draymond Green

May 10 - Iniimbestigahan ngayon ng Minnesota Timberwolves ang isang insidente kung saan inakusahan ang isang fan ng paggamit ng "racially charged" na pananalita laban kay Golden State Warriors star Draymond Green sa Game 2 ng kanilang NBA playoff series.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Timberwolves na may isang fan na pinaalis sa Target Center matapos lumabag sa NBA fan code of conduct noong ikaapat na yugto ng laban na nagtapos sa 117-93 na panalo ng Minnesota.
Ayon pa sa koponan, isa pang indibidwal ang iniwan ang arena bago pa matukoy ang kanyang pagkakakilanlan, matapos ireklamo ng iba pang fans na siya’y nagsambit ng mga rasistang komento laban kay Green.
Dagdag ng Timberwolves: “Ang Timberwolves at Target Center ay naninindigang panatilihin ang isang inklusibo, may respeto, at ligtas na kapaligiran para sa lahat. Ang anumang uri ng rasismo, galit, o pananakot ay hindi katanggap-tanggap.”
Sa laban, nakatanggap si Green ng technical foul matapos sumugod kay Naz Reid sa second quarter, na naging sanhi ng panunuya mula sa ilang fans. Kinailangang awatin si Green ng kanyang mga kakampi, kabilang ang injured star na si Stephen Curry.
Sa post-game interview, binigyang-diin ni Green ang kanyang pagkadismaya:
“Sawang-sawa na ako sa agenda na ipakita akong isang ‘angry Black man.’ Hindi ako galit na itim. Isa akong matagumpay at edukadong Black man na may magandang pamilya.”