NBA Playoffs: Kaguluhan: Cavs nasa bingit ng pagkabagsak, OKC bumawi sa Denver
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-13 12:05:54
May 13 - Nailagay na sa alanganin ang season ng Cleveland Cavaliers matapos tambakan ng Indiana Pacers, 129-109, sa Game 4 ng kanilang NBA Eastern Conference semifinal series para sa 3-1 lead nitong Linggo (PH time).
Pinangunahan ni Pascal Siakam ang Pitong Pacer na nagtala ng double figures, habang pinadapa nila ang top-seeded Cavs na ngayon ay isang talo na lang ang pagitan mula sa pagkakaalis sa playoffs.
Sa halftime pa lang, dominado na ng Pacers ang laro sa iskor na 80-39. Lalong lumala ang sitwasyon ng Cleveland nang ideklara si Donovan Mitchell bilang "doubtful to return" sa second half dahil sa tinamong left ankle injury.
Si Mitchell, na galing sa sunod-sunod na 40-point games, ay may 12 puntos lang sa unang half at hirap gumalaw bago magsimula ang ikalawang yugto. Ayon kay Cavs coach Kenny Atkinson, sasailalim si Mitchell sa MRI at wala pa siyang ideya kung makakalaro ito sa Game 5 sa Miyerkules (PH time).
Nagkaroon din ng tensyon sa laro matapos ma-eject si Indiana reserve Bennedict Mathurin sa unang quarter dahil sa suntok sa dibdib ni De’Andre Hunter.
Samantala, sa Western Conference, bumawi ang Oklahoma City Thunder sa Denver Nuggets sa isang dikdikang 92-87 panalo upang itabla ang serye sa 2-2.
Nagpakitang-gilas si Shai Gilgeous-Alexander na may 25 puntos, 6 rebounds, at 6 assists, ngunit parehong hirap sa shooting ang dalawang koponan—31 of 87 lang ang Thunder, habang 25 of 80 naman ang Denver.
Nanguna si reigning MVP Nikola Jokic sa Nuggets na may 27 puntos at 13 rebounds. Naitabla pa ng Denver ang laro at nakuha ang abante sa third quarter mula sa tres ni Aaron Gordon, ngunit hindi nila napigilan ang late push ng Thunder.
