Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA Playoffs: Haliburton, pinabagsak ang top-seeded Cavs; Pasok na sa East Finals ang Pacers

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-14 12:03:50 NBA Playoffs: Haliburton, pinabagsak ang top-seeded Cavs; Pasok na sa East Finals ang Pacers

May 14 - Bumida si Tyrese Haliburton sa kanyang 31 puntos upang itulak ang Indiana Pacers sa 114-105 panalo kontra Cleveland Cavaliers at tapusin ang serye sa 4-1 para makapasok sa Eastern Conference Finals ng NBA.

Nagpasabog si Haliburton ng anim na tres, lima sa mga ito ay sa second quarter kung saan tinapyas ng Pacers ang 19-point lead ng Cavs at nagawang lumapit sa 56-52 pagpasok ng halftime. Sa third quarter, tuluyan nang inagaw ng Indiana ang kontrol sa laro matapos ang 33-20 run para sa 85-76 bentahe.

Maliban kay Haliburton, nagtala si Pascal Siakam ng 21 puntos habang si Aaron Nesmith ay may 13 puntos at 13 rebounds. Umambag din si Andrew Nembhard ng 18 puntos.

Tinangka ni Donovan Mitchell na isalba ang Cavs sa kabila ng iniindang ankle injury, kung saan kumamada siya ng 16 puntos sa fourth quarter. Napababa pa ng Cavs ang kalamangan sa isa, 98-97, matapos ang isang tres ni Mitchell sa huling limang minuto.

Gayunman, hindi naging sapat ang shooting ng Cleveland mula sa labas—9-of-35 lamang mula sa three-point range—at binigo sila ng depensa ng Indiana sa kanilang huling tsansa na makabawi.

Makakaharap ng ika-apat na seed na Pacers sa Eastern Conference Finals ang magwawagi sa serye ng Boston Celtics at New York Knicks. Nangunguna ang Knicks sa serye, 3-1, at maaari nang makaharap ng Indiana kung mananalo sila sa Game 5 kontra Boston sa Miyerkules (Huwebes, oras ng Maynila).