Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA Playoffs: Matapos ang 42-point game: Tatum nagtamo ng punit sa Achilles, sumailalim sa surgery

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-14 12:03:53 NBA Playoffs: Matapos ang 42-point game: Tatum nagtamo ng punit sa Achilles, sumailalim sa surgery

May 14 - Sumailalim sa operasyon si Jayson Tatum ng Boston Celtics para sa punit na kanang Achilles tendon na kanyang natamo sa Game 4 laban sa New York Knicks, ayon sa opisyal na anunsyo ng koponan nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Maynila).

Ayon sa Celtics: “Matagumpay na naoperahan ngayong araw si Jayson Tatum para ayusin ang punit sa kanyang kanang Achilles tendon. Wala pang tiyak na iskedyul para sa kanyang pagbabalik, ngunit inaasahan ang kanyang ganap na paggaling.”

Bumagsak si Tatum sa sahig sa ikaapat na quarter ng kanilang 121-113 pagkatalo kontra Knicks, at inilabas sa court gamit ang wheelchair matapos makitaan ng seryosong pinsala.

Ang six-time NBA All-Star at Olympic gold medalist ay nasa kasagsagan ng kanyang laro, may 42 puntos, bago siya na-injure sa Madison Square Garden. Naging emosyonal ang mga kakampi at mga kapwa manlalaro sa buong liga matapos ang insidente.

Nagpahayag ng simpatiya si Knicks star Josh Hart sa post-game interview: “Masakit ito. Magkakapatid kami sa NBA. Dasal para sa kanya.” Nagpaabot din ng suporta sina LeBron James, Patrick Mahomes, Julian Edelman, at maging ang aktor na si Ben Stiller.

Ang injury ni Tatum ay naglalagay ng mas mabigat na dagok sa Celtics na kasalukuyang nasa 3-1 series deficit laban sa Knicks. Maaaring tapusin ng New York ang serye sa susunod na laro sa Boston.

Bukod pa rito, nagdulot din ito ng pangamba para sa kinabukasan ng Celtics, lalo't kilalang matagal ang pagbawi mula sa Achilles injury. Sina Kevin Durant at Klay Thompson ay parehong umabot ng halos isa't kalahating taon bago makabalik mula sa ganitong uri ng pinsala.